Sunday, December 9, 2012

SI JUAN BAUTISTA SA ADBIYENTO AT PASKO


Si Juan Bautista sa Adbiyento at Pasko
(Ika- 2 Linggo sa Panahon ng Adbiyento-K)

Halos lahat tayo ay lumaki sa paniniwalang totoong may Santa Claus. Naging bahagi ng kamalayan natin ukol sa Pasko si Santa Claus, na siyang nagbibigay ng regalo sa mga batang mababait. Napaniwala tayo na dumarating siya tuwing hatinggabi ng Pasko para magbigay ng regalo sa mga taong sa pasya niya ay karapat-dapat. Kung tutuusin hindi naman talaga masamang maniwala kay Santa Claus. Magandang halimbawa nga siya pagdating sa larangan ng pagkakawang-gawa sa kapwa, pagtulong at pagbibigay. Gayunpaman, dapat ding bigyang diin, lalo na sa mga bata na hindi siya ang tampok tuwing Adbiyento at Pasko, kundi ang Panginoong Hesukristo. Hindi siya ang dumating at nagbigay ng regalo noong unang Pasko kundi ang Panginoong Hesus.  
May isang pang tampok na tauhan ang Adbiyento at Pasko-si Juan Bautista na tagapaghanda ng daan ng Panginoon. Sa batayan ng mundo hindi kaakit-akit na tauhan si Juan Bautista sapagkat kakaiba siya sa karamihan. Sa ilang siya nakatira. Ang damit niya ay hinabing balahibo ng kamelyo at ang pagkain ay balang at bulot-pukyutan. Sa salita natin ngayon-taong bundok, makaluma o primitive. Ito ang mga katangian ni Juan Bautista na kailangan nating mga tao ngayon sa paghahanda sa pagdating ng Panginoon.
Ang bundok ay lugar ng pakikipagtagpo sa Diyos. Sa bundok nakipagtapo ang Diyos kay Moises upang ibigay ang kanyang mga utos. Sa bundok din sinubok ng Diyos ang pananampalataya ni Abraham nang anyayahan siya ng Diyos na iaalay ang kanyang kaisa-isang anak. Sa bundok din madalas nagdarasal si Hesus at nakikipagniig sa Kanyang Ama. Sa madaling salita, ang bundok ay lugar ng Diyos. Mahalagang paghahanda natin ngayong Adbiyento ang mas malimit na pagdarasal at pagninilay. Hanapin natin ang kanya-kanya nating bundok kung saan matatagpuan natin ang Diyos. Makakatulong din ito para maihanda natin nang husto ang ating puso at kalooban sa pagdating ni Hesus. Kung paanong naggagayak tayo para sa mga dekorasyon, pagkain at damit, maghanda din sana tayo sa pamamagitan ng pananahimik at pananalangin sa kanya-kanya nating bundok.
Sa batayan ng mundo si Juan Bautista ay makaluma, huli na sa takbo ng panahon. Ano ba ang maganda sa luma? Ang luma ay subok na ng panahon, dumaan na sa maraming pagsubok, hinubog na ng panahon. Marami sa atin mahilig sa bago, na kung tutuusin hindi naman talaga masama. Hindi kasalanan ang paghahangad na bago. Nasanay ang maraming bata kapag Pasko dapat ay may bago. Hindi nga masama ito, pero kailangan din naman natin silang sanayin sa kapayakan ng buhay. Ganyan si Juan Bautistang taga-bundok at makaluma. Mahalagang disposisyon din ito sa paghahanda sa pagdating ng Panginoon. Ang pagdating ng Panginoon ay hubad sa anumang karangyaan. Simpleng-simple ang unang Pasko. Ganito din natin dapat ipagdiwang ang pagdating ng Panginoon. Ang pagiging masaya nito ay wala sa karangyaan kundi sa kung ano ang  nilalaman ng ating mga puso.
Ngayong Linggo si Juan Bautista ang ibinibihay sa ating huwaran para sa Adbiyento at Pasko. Oo, taga-bundok at makaluma, malayong-malayo kay Santa Claus na mayaman at marangya. Ipinapaalala niya sa atin na paghandaan natin ang pagdating ng Panginoon hindi sa pamamagitan ng ingay kundi ng katahimikan, ng kapayakan hindi ng karangyaan. 

Tuesday, December 4, 2012

MALIGAYA O MALIGALIG


Maligaya o Maligalig
(Unang Linggo ng Adbiyento-K)

Maligayang Bagong Taon sa inyong lahat! Sinisimulan natin ngayong Unang Linggo ng Adbiyento ang panibagong panahon sa ating Taong Liturhiko.  May dalawang katangian ang panahong ito. Ito ay panahon ng paghahanda sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang, na itinuturing nating Unang Pagdating ng Anak ng Diyos sa sangkatauhan, gayundin ito ay panahon na nag-aanyaya sa atin na tanawin ang Ikalawang Pagdating ng Panginoon saw akas ng panahon.
Ngayong Unang Linggo sa Panahon ng Adbiyento, itinutuon ang ating pansin ng mga pagbasa, lalo na ng Mabuting Mabulita sa mga bagay na kinalaman sa wakas ng panahon. Mahalaga ang pagwawakas o ending. Sa isang sine o panoorin pinakaabangan ng tao kung paano ito magwawakas. Kapana-panabik ang mga eksena kung mareresolba ang conflict¸ kung mamamatay ba ang kontrabida o hindi. Interesado ang mga manonood kung paano magwawakas ang kuwento. Maligaya kaya ito o maligalig. Kalimitan kapag maligalig o malungkot ang pagwawakas nadidismaya ang mga manonood. Kapag naman maligaya ang pagwawakas kuntento ang tao. Kahit matagal nang tapos ang kuwento, pag-uusapan at pag-uusapan pa rin ito.
Ang pagwawakas o ending ay katotohanan din sa ating buhay pananampalataya, at nasa ating pagpapasya kung ito ay magiging maligaya o maligalig. Paano ba natin gustong marating ito? Sa maligaya o maligalig na pamamaraan? Tiyak ang sagot ng bawat isa sa atin ay sa maligayang pamamaraan.
Paano ba ang maligalig na pamamaraan? Ang maligalig na pamamaraan ay taglay ng mga taong tinatawag na pessimist. Para sa kanila ang kahihinatnan natin at ng mundo ay pagkawasak o pagkasira. Walang magandang kapupuntahan ang mundong ito. Wala na itong pag-asa. Ang lahat ay nakalaan para sa pagkawasak at pagkasira. Ganito ba ang nais nating kahinatnan? Malungkot na pagwawakas ito. Ganito ang pagwawakas na kinahihinatnan ng mga walang pananampalataya. Hindi ito pagpaparusa ng Diyos, kundi bunga ito ng kanilang mga pagpili o pagdedesisyon sa buhay.
Paano naman ang maligayang pamamaraan? Ang maligayang pamamaraan ay taglay naman ng mga taong tinatawag nating optimist. Para sa kanila may maganda pa ring kahihinatnan ang ating buhay at ang mundong ito sa kabila ng mga pagsubok at kahirapan. May magandang kapupuntahan ang mundong ito. May pag-asa pa ito. Ang lahat ng bagay ay hindi wawasakain ng Diyos bagkus ay lilikhain Niyang muli. Natitiyak kong ganito ang nais nating pagwawakas. Maligaya ang ganitong pagwawakas. Ganito ang pagwawakas ng mga may pananampalataya sa Diyos. Bunga din ito ng mga pagpili o pagdedesisyon sa buhay.
Para sa mga may pananampalataya sa Diyos, ang kanyang muling pagbabalik ay kakikitaan ng pag-asa. Sabi sa Aklat ni Propeta Jeremias, “Dumarating na ang araw na tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at sa Juda.” Para maging maligaya ang wakas kailangan nating sundin ang paalala ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica, pag-alabin at palaguin ang ating pag-ibig sa isa’t isa. Kapag nangyari ito, palalakasin niya ang ating loob at mananatili tayong banal at walang kapintasan sa kanyang harapan. Isa pang payo ang ibinibigay ni San Pablo, pagbutihin ang ating pamumuhay ayon sa ating natutuhan para tayo’y maging kalugud-lugod sa Diyos.
Ang Banal na Eukaristiya ang buhay na tanda ng masayang wakas ng mga sumasampalataya sa Diyos. Tuwing dudulog tayo rito tayo ay pinaaalalahanan na maging maligaya tayong mga anak ng Diyos. Subalit sa banda huling nasa atin pa rin pagpapasya. Magiging maligaya ba tayo o maligalig? Sana piliin nating maging maligaya.

Saturday, November 10, 2012

MAGBIGAY NANG TUNAY


Magbigay Nang Tunay
(Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon)

Lutang na lutang ang mga karakter ng mga babaeng balo sa mga Pagbasa natin ngayong Linggo. Sa Unang Pagbasa ay natunghayan natin ang babaeng balo na sa kabila ng kanyang kawalan ay hindi nag-atubili na pakainin si Elias kahit na ang natitira nilang pagkain sapat lamang para sa kanya at sa kanyang anak.  Ang babaeng balo naman sa Ebanghelyo ay hindi rin nagdalawang isip na ialay ang kanyang dalawang kusing na katumbas ng isang pera, kumakatawan ito sa lahat-lahat ng mayroon sa kanya. Ang mga karakter na ito ang nagsisilbing huwaran natin sa totoong diwa ng pagbibigay.
Lahat tayo ay nakaranas nang magbigay sa iba’t ibang pamamaraan. Pero nakapagbigay na ba talaga tayo nang ganap? Lubos kaya ang pagbibigay natin? Ano ba ang tunay na pagbibigay o lubos na pagbibigay?
Una, ang lubos na pagbibigay ay pagbibigay ng walang hinihintay na anumang katumbas na kapalit. Nagbibigay tayo hindi dahil sa naghihintay tayo ng anumang balik sa atin katulad ng papuri, pasasalamat o pagkilala. Hindi pa tayo lubos ng nagbibigay kapag ang motibasyon natin sa pagbibigay ay para makilala o mapasalamatan. Sa panahon ng halalan maraming magbibigay ng kung anu-ano sa mga tao. Ano kaya ang pangunahing dahilan? Baka para makilala, sumikat at matandaan ang pangalan! Hindi ganoon ang tunay na pagbibigay. Minsan ay may isang taxi driver na nakakita ng diamond ring sa kanyang taxi.. Bumalik siya sa lugar na huling hinintuan niya para matunton ang babaeng sakay niya. Makalipas ang dalawang oras natagpuan niya ang babaeng may-ari ng singsing. Kinuha ng babae ang singsing nang hindi man lang nagpasalamat. Tinanong ang taxi driver sa kanyang reaksiyon at sabi niya, “Okay lang sa akin. Hinanap ko ang babae at isinauli ang singsing hindi para sa anumang pabuya o kaya’y pasasalamat. Ginawa ko iyon dahil alam kong iyon ang tamang gawin.” Sana magbigay tayo o gumawa ng mabuti dahil alam nating iyon ang tamang gawin at hindi para sa pabuya at pasasalamat. Ganito ang magbigay nang lubos.
Ikalawa, ang magbigay nang lubos ay magbigay ng mahalaga sa atin, hindi ang sobra o hindi na natin kailangan. Karaniwan nagpapamigay tayo ng mga bagay na hindi na natin kailangan at ingat na ingat tayo sa mga bagay na gustong-gusto natin o mahalaga sa atin. Hirap tayong pakawalan ang mga ito, hindi ba? Ni ayaw nga ating masira o kaya gamitin ng iba ang mga ito. May mga nagpapamigay naman ng mga bagay na hindi na nila mapapakinabangan, sira na, o kaya naman kapag damit ay wala na sa uso; kung pagkain naman ay baka yung malapit nang masira. Hindi ganito ang tunay na pagbibigay. Hindi ganito ang pagbibigay nang lubos. Ang tawag doon ay karamutan o kaya ay paglillinis ng aparador o refrigerator! Maaatim ba nating ibigay sa kapwa ang pagkaing hindi na makakain o mga damit na hindi naman na puwedeng isuot? Ang pagbibigay nang lubos ay pagbabahagi sa kapwa hindi ng mga sobra natin o ayaw na natin, kundi pagbibigay o pagbabahagi ng mahalaga para sa atin. Maraming gustong maglingkod pero kung may extra oras lamang. May mga nagbibigay pero mga kulimagmag o dunggot lamang ng kanilang yaman. Ang tunay na pagbibigay ay pagbibigay hanggang tayo’y nasasaktan o nahihirapan.
Si Hesus ang halimbawa natin sa pagbibigay nang lubos. Buong buhay niya ang inialay niya para sa atin. May hihigit pa kaya sa pagbibigay ng ginawa ni Hesus? Nagbigay siya hindi para sa anumang pabuya o kabayaran. Noong nagbigay siya, siya pa nga ang nagbayad para sa atin. Buhay niya ang kanyang ibinayad sapagkat kailanman hindi tayo makakabayad sa laki ng utang natin sa Diyos. Nang magbigay si Hesus hindi Niya inisip ang kanyang kapakanan. Napahamak nga siya noong mag-alay para sa atin. Hindi rin siya nagbigay ng hindi na niya kailangan o sobrang lang sa kanya. Lahat-lahat ibinigay niya. Hindi na siya nagtira para sa sarili para tayong mga salat ay magkaroon. Ito ang tunay na pagbibigay. Ito ang pagbibigay nang lubos.
Ang Eukaristiya ang patunay ng lubos na pagbibigay ni Hesus. Muli’t muli sa Eukaristiya ay nagbibigay si Hesus nang lubos. Maturuan nawa tayo ng ating tinatanggap ng tunay na pagbibigay. Alisin nawa nito sa ating mga puso ang anumang pag-iimbot at pagka-makasarili.        

UMIBIG NANG BUO


UMIBIG NANG BUO
(Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon)-B

Naniniwala ako halos lahat ng relihiyon ay naniniwala sa pag-ibig at itinuturing itong sentro o pinakapuso ng kanilang aral, at naniniwala din ako na lahat ng sumasamba sa Diyos ay naniniwala sa pag-lbig, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Ang salitang pag-ibig ang isa sa mga salitang madalas maling ang paggamit (misused), sobrang nagagamit (overused), naaabuso ang paggamit (abused), dahil hindi tama ang natutunang konsepto ng pag-ibig. Kung tuna yang pag-ibig hindi sosobra. Ang totoong pag-ibig ay sapat, maging ang Diyos ay iniibig tayo ayon sa kailangan natin. Ang totoong pag-ibig ay hindi nagkakamali, sapagkat totoong pag-ibig nakaugat sa katotohanan.
Si Kristo lang talaga ang may karapatang magturo at magsabi kung ano ang tunay na pag-ibig dahil Siya mismo ang nakaranas nito mula sa kanyang Ama. Kayang-kaya niyang sabihin na dapat nating ibigin nang buong puso, buong pag-iisip, buong lakas at buong kaluluwa at ibigin natin ang ating kapwa gaya ng ating sarili.
Paano ang umiibig sa Diyos nang buo? Maraming tao ngayong nagmamahal sa Diyos hindi wholeheartedly kundi half hazardly. Ang Diyos ay nasa sideline lamang. Sasabihin Katoliko sila pero hindi naman sumusunod s autos ng Diyos at katuruan ng Simbahan. Magsisimba kung Linggo dahil ang tingin sa Linggo ay isa lang obligasyon na kapag hindi tinupad ay baka parusahan ng Diyos. Mahal daw nila ang Diyos pero hanggang sa loob lang ng Simbahan. Paglabas ng Simbahan parang hindi na Katoliko. Ang mahalin nang buong ang Diyos ay ituring siyang sentro n gating buhay. Lahat nag ginagawa natin, mga pangarap natin, mga pinagkakaabalahan natin, pati mga hirap at pagsubok natin at patungo lahat sa Diyos. Iniibig nga ba talaga natin nang buong ang Diyos?
Paano ang umibig sa kapwa gaya ng sarili? Mas challenging ito siguro kaysa sa unang utos, pero katambal ita ng unang utos at ito ang patunay kung totoo nating iniibig ang Diyos. Ang umibig sa kapwa gaya ng ating sarili ay makita natin an gating sarili sa iba. Dahil ita igagalang natin sila sa kanilang nararadaman, at nararamdaman natin ang kanilang pangangailangan at mga nararamdaman. Para kadaling nating humusga sa tao, pero hindi naman natin alam ang kanilang pinagdaraanan. Iniibig natin ang ating kapwa gaya ng atiing sarili kung nakikita natin si Kristo sa kanila at hindi ang kaaway. Madaling sabihin pero mahirap gawin, subalit ita ang katotohanan na dapat nating sundin. Iniibig natin an gating kapwa gaya n gating sariling kung kaya na nating magparaya at hindi tayo takot na mawalan.
Totoo ang pag-ibig natin sa Diyos at sa kapwa ay hindi magigmg perpekto, pero hindi ibig sabihin nito na hindi na natin susubukan. Maaaring magkulang nga ang pag-ibig natin sa Diyos at sa kapwa. Nauunawaan ita ng Diyos at pupunnuan ita ng Diyos hanggang maging buo.

Monday, October 29, 2012

KAY HESUS ANG TUNAY NA MAHALAGA


Kay Hesus ang Tunay na Mahalaga
(Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon)

“Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo”, ito ang pambungad na pangungusap ni Hesus kay Bartimeo. Tiyak alam ni Hesus na bulag ang taong ito. Tiyak alam Niya kung ano ang kailangan ni Bartimeo, pero tinanong pa din niya, “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo.” Napakapalad ng taong ito dahil si Hesus na mismo ang nagpatawag sa kanya mula sa karamihan at tinanong pa siya kung ano ang ibig na gawin sa kanya. Dalawang mahalagang aral ang hugutin natin sa pangyayari ito.
Una, si Hesus ang nagpapatawag sa atin. Siya palagi ang gumagawa ng simula para makalapit tayo sa Kanya (Jesus always takes the initiative). Nasa atin ang pagpapasya kung kung tutugon tayo sa kanyang pagtawag, at ang pagtugon sa pagtawag ay palaging kilos ng pananampalataya o act of faith. Isinaad sa Ebanghelyo, bilang tugon ni Bartimeo, “iniwaksi niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Hesus. Indikasyon ito ng  kagalakan niya na makalapit kay Hesus. Totoong bukal ng kagalakan ang makalapit kay Hesus. Hindi ito maihahambing sa pakikipagtagpo kahit sa sinumang pinakamahalaga o sikat na tao dito sa lupa. Kakaibang karanasan ang tawagin ni Hesus at lumapit sa Kanya. Tulad ni Bartimeo maiwaksi din sana natin ang anumang nakahahadlang sa atin para masayang makatugon at makalapit kay Hesus. Baka ito ay ang hiya at takot sa Kanya dahil sa ating mga kasalanan. Baka ito ay ang mga bisyo, masasamang ugali o hilig natin na nahihirapan tayong iwanan. Hindi magkukulang si Hesus sa pagbibigay sa atin ng biyayang kailangan natin para makalapit sa kanya.
            Ikalawa, kailangan nating bigkasin nang malinaw kay Hesus ang nilalaman ng ating puso. Ito ang dahilan kung bakit tinanong pa ni Hesus si Bartimeo kung ano ang ibig gawin sa kanya. Mahalagang alam natin ang gusto ng ating puso. Namamalimos lamang si Bartimeo, indikasyon ito na mahirap at kaawa-awa ang kanyang kalagayan. Wala siyang ibang maaasahan. Puwede sanang sinabi niya kay Hesus na gusto niya ng kayamanan. Tahasang sinabi ni Bartimeo, “Guro, ibig ko po sanang makakita”. Diretso ang kanyang sagot at iyon ang nilalaman ng kanyang puso. Iyon ang tunay na mahalaga para sa kanya. Napalakas ng hatak ng pagiging makamundo sa ngayon. Bunga ito ng tinatawag na post modernism. Isa sa kaisipang itinuturo nito ay ang paghahangad sa mga materyal na bagay lamang. Puwedeng hangarin ito basta hindi nakakapinsala o nakakasagasa ng iba. Ganito lang din ba ang mahalaga na nilalaman ng ating puso? Ang laman ba ng ating puso ay mga bagay lang na lumilipas tulad ng pera, kapangyarihan, katanyagan? Makalundag sana tayo mula sa mga makamundong paghahangad patungo sa mga bagay na pinapahalagahan ni Hesus tulad ng buhay at pananampalataya. Ito sana ang maging laman ng ating puso at itinuturing nating mahalaga sa lahat.
            Dalawang biyaya ang hilingin natin kay Hesus ngayong Linggo. Ang biyaya na masayang makatugon sa tawag niya at ang biyaya na masabi sa kanya ang tunay na mahalaga sa ating puso.
    

Sunday, October 21, 2012

MISYON HINDI AMBISYON


Misyon hindi Ambisyon
(Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon)

    Maraming mahahalagang okasyon ang ipinagdiriwang natin ngayong Linggo.Una, ang Pandaigdig na Araw ng Misyon o World Mission Sunday. Ikalawa, ang canonization ni Beato Pedro Calungsod. Ikatlo, ang ika-apat na taong anibersaryo ng Parokya ni San Jose, ang ating minamahal na parokya.  Dahil puno na mahahalagang okasyon ang Linggong ito, nag-iiwan ito sa atin ng mahahalagang hamon tungkol sa pananampalataya at paglilingkod.
    Ang buhay pananampalataya ay hindi tungkol sa ambisyon kundi sa misyon. Lumapit ang magkapatid na Santiago at Juan dahil sila ay may ambisyon- ang makaupo sila sa tabi ni Hesus, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Mga posisyon ito ng katanyagan o pagiging sikat. Matagal na nilang kasama si Hesus pero parang hindi sila natuto kay Hesus.  Hindi pa  rin nila naunawaan na kay Hesus hindi mahalaga ang posiyon at ambisyon kundi ang misyon, at para sa kanya ang misyon ay maging lingkod ng lahat at alipin ng lahat. Hindi ito posisyon ng katanyagan o pagiging sikat kundi ng pagpapakumbaba. Hindi masama ang magkaroon ng ambisyon. Kailangan nga natin ito para magkaroon tayo ng pokus sa buhay. Sabi nga libre lang ang mangarap o mag-abisyon. Gayunpaman, hindi naman dapat na maging makasarili tayo dahil sa ating mga pangarap o ambisyon. Ang mga ambisyon natin ay dapat dalhin tayo sa pagmimisyon. Namumuhay tayo sa mundong punung-puno ng paligsahan. Ang direksiyon ng marami ay papataas o pasulong. Lahat gustong mauna. Lahat gusto nasa itaas. Kung tutuusin hindi naman talaga masama ang  maging nasa itaas. Hindi naman masama ang pagsulong. Ang masama ay kapag nagiging makasarili ang tao at nakakalimutan ang iba. Ang pagmimisyon ay magkaroon ng kakayahang isipin at isaalang-alang ang kabutihan ng iba. Ang pagmimisyon ay magkaroon ng kakayahang unahin ang iba kahit tayo ay mahuli.
    Ang lugar ng pagmimisyon ay ang pamayanan na tinatawag nating parokya. Ang parokya ay dapat na maging pamayanang nagmimisyon. Apat na taon na ang nakalilipas nang itatag tayo bilang isang parokya. Layunin nito na higit na maibigay sa mga mananampalataya ang pangangalagang espirituwal at pastoral. Itinatag tayo bilang isang parokya sa ngalan ng pagmimisyon. Ito ang pinagsikapan at patuloy nating pinagsisikapan ngayon. Pagmimisyon ang dahilan ng ating mga programanng pastoral ng ating parokya. Maging ang pagpapatayo natin ng simbahang bato ay sa ngalan ng pagmimisyon. Lahat ng ating mga pagsisikap sa parokya ay sa ngalan ng pagmimisyon. Hindi ito magagawa ng pari kung siya'y nag-iisa. Kailangan niya ang mga katuwang na kusang loob na mag-aalay ng talino, yaman at kakayahan. Magiging lugar ng pagmimisyon ang parokya kung ang mga mananampalataya ay magsisikap na isabuhay ang Salita ng Diyos, unang-una sa tahanan papalabas. 
    Si San Pedro Calungsod ang ibinibigay sa atin ng Diyos ngayon na huwaran natin sa pagmimisyon. Sa gulang na 14 na taon pinangarap niya na maging tagapagpahayag ng Mabuting Balita. Sa murang gulang naging saksi siya ni Kristo. Sa murang gulang nagbuwis siya ng buhay alang-alang sa pananampalataya. Ang pagluluklok sa kanya sa altar ng mga banal ay nagpapatunay na maaaring maging banal ang mga Pilipino at maaaring maging saksi ng Mabuting Balita ang mga kabataan.  
    Ngayong Linggo, sikapin natin sagutin at pagnilayan ang mga tanong na ito. Ano ang magagawa ko para maging misyonero sa aking tahanan? Ano ang magagawa ko para maging aktibong kasapi ng aking parokya? Ano ang magagawa para katulad ni San Pedro Calungsod ako ay maging banal? 
  Ang parokya natin ay maging pamayanan nawa ng mga taong naglilingkod at nagpapakabanal.

Saturday, October 13, 2012

ANG DAAN TUNGO SA BUHAY NA WALANG HANGGAN


Ang Daan Tungo sa Buhay na Walang Hanggan
(Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon)

Tayong lahat ay nag-aasam na makarating sa langit at magtamo ng buhay ng walang hanggang. Buhay na walang hanggan ang tinatanaw natin kaya tayo nagsisikap na maging mabuti at banal. Katulad tayo ng lalaking lumapit kay Hesus na nagtanong, “Mabuting guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?  Alam niya ang mga Utos ng Diyos na tinutupad na niya simula pa sa kanyang pagkabata. Ang pagtupad sa mga utos ng Diyos ang unang hakbang sa pagkakamit ng buhay na walang hanggan. Ibinigay ito ni Yahweh sa mga Israelita upang sila’y makarating sa Lupang Pangako. Marami sa kanila ang hindi nakapasok dahil sa pagwawalang bahala sa mga utos ng Diyos. Bilang mga Katoliko inaasahan sa atin na alam natin sa ating puso ang mga Utos ng Diyos at sinisikap nating tuparin araw-araw. Ang mga ito ay hindi pabigat sa atin kundi gabay natin sa maayos na pakikitungo sa Diyos at sa ating kapwa tao. Marami sa mga Israelita ang nagturing sa mga kautusan ni Yahweh bilang pabigat, at naging mabigat nga ang kanilang buhay dahil sa kanilang negatibong saloobin tungkol dito. Ganito din ba ang pananaw at saloobin natin sa mga Utos ng Diyos? Ang Utos ng Diyos ay nagsisilbing panuto sa ating buhay. Hindi kailanman ibinigay ng Diyos ang mga ito para pahirapan tayo.
            Ang pag-alam at pagtupad sa Utos ng Diyos ang unang hakbang tungo sa buhay na walang hanggan. Ang ikalawang hakbang ay ang pagbabahagi sa kapwa. Ito ang konkretong pagsasakatuparan ng mga Utos ng Diyos. Nalungkot ang lalaki nang marinig ito sapagkat siya’y napakayaman. Ang kayamanan ay biyaya ng Diyos. Hindi masama ang kayamanan gayundin ang magpayaman. Subalit hindi dapat na maging sagabal ito sa pagkakamit natin ng buhay na walang hanggan. Hindi tayo dapat paalipin sa kayamanan o materyal na bagay. Dapat matulungan tayo ng kayamanan para maging mabuting anak ng Diyos. Kung nagiging makasarili ang tao dahil sa kayamanan ito ang magiging simula ng kanyang pagbagsak. Kung tayo’y biniyayaan ng Diyos ng kayamanan o materyal na bagay ito’y para sa ating ikabubuti. Kung tayo man ay nakaririwasa sa buhay tayo ay nasa posisyon para magbahagi at makatulong sa ating kapwa.
            Ito ang dalawang hakbang sa pagtatamo ng buhay na walang hanggan: ang pagtupad sa mga Utos ng Diyos at pagbibigay laman dito sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kapwa. Kailangan natin ang Karunungan at Salita ng Diyos para malaman natin kung ano talaga ang mahalaga sa buhay na maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan. Isabuhay natin araw-araw ang mga Utos ng Diyos at mabubuhay tayo sa piling ng Diyos.         

Monday, October 8, 2012

TAYO NA SA ORIG


Tayo na sa Orig
(Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon)

Karaniwang mas gusto natin ang orig o orihinal kaysa sa ­hindi o imitation lamang. Kahit na mas mahal ang orig mas ginugusto natin ito dahil nasisiyahan tayo sa mas mataas na kalidad nito. Mas gusto natin ang orihinal na pabango kaysa imitation lamang kasi mas iba ang bango ng orig.  Mas gusto natin ang orig na damit kaysa imitation lamang kasi iba ang dating ng orig kaysa imitation lamang. Halos sa lahat ng larangan mas gusto natin ang orig o ang orihinal. Ayaw nga din natin kapag ginagaya tayo, kaya sinasabi natin, “Walang kang originality”.
Ang Diyos ang may orig o orihinal na plano at disenyo sa lahat ng bagay. Ito ang katotohanang binibigyan diin ng Salita ng Diyos ngayong Linggo. Ang Diyos ang may plano at disenyo sa ating katawan na may magandang pagkakaayos. Siya din ang may disenyo ng mga bagay sa kalawakan, sa lupa, sa ilalim ng lupa, sa ilalim ng tubig at sa lahat ng bagay. Siya din ang may plano at disenyo sa kasal na ngayon ay tinatawag nating sakramento. Itinaas pa ito ni Hesus sa antas ng sakramento para maging daluyan ng biyaya sa mga babae at lalake na nagmamahalan.
Sa ngayon maraming nagtatangkang ibahin ang plano ng Diyos ukol sa Kasal. Sa simula pa, ayon sa disenyo ng Diyos ito ay para sa isang lalaki at babae na nagmamahalan. Subalit ngayon may mga nagpipilit na maaari na din ito para sa mga magkaparehong kasarian (same sex union). Sa pasimula pa, ayon sa plano ng Diyos ito ay pang-habambuhay (indissoluble). Subalit ngayon, may mga nagpupumilit na isabatas ang diborsiyo, o kaya naman buhay pa ang asawa ay pinapalitan na! Pilit nilang binibigyang katuwiran ang paglihis sa plano ng Diyos na siyang nakakaalam ng lahat ng bagay. Kahit ang katawan ng tao na likha ng Diyos ay nais pakialaman ng tao alang-alang daw sa kabutihan nito na kalimitan ay nakasasama pa nga dito. Para hindi na daw magtagal ang paghihirap ng taong may sakit ay dapat ng lapatan ng euthanasia o ayon sa kanila ay mercy killing. (Kailan pa kaya naging pagpapakita ng awa ang pagkitil sa buhay ng tao?). Sa pasimula pa, ayon sa plano ng Diyos ang tao ay bunga ng pagmamahalan ng babae at lalaki sa pamamagitan ng pagtatalik. Ngayon may mga taong nagsasabi puwede ng buuin ang tao sa test tube o kaya sa pamamagitan ng cloning. Ilan lamang ito sa pagtatangka ng tao na ibahin ang orihinal na plano at disenyo ng Diyos.
Sa pagtatangka ng tao na lumihis sa plano ng Diyos ay napapahamak siya. Napapahamak ang buhay mag-asawa at buhay pamilya kapag lumihis sa plano ng Diyos ukol dito. Napapahamak ang buhay ng tao kapag pilit niya sinusunod ang sarili niyang plano at disenyo at hindi ang plano at disenyo ng Diyos. Katapatan ang susi para mapanatili natin ang disenyo ng Diyos. Dapat tayong maging matapat sa plano ng Diyos para maging maayos, masaya at mabunga ang buhay natin.
Naniniwala ako na sa pasimula ayon sa plano ng Diyos ay nais Niya akong maging pari. Unti-unti itong nilinaw ng Diyos habang ako ay lumalaki sa pamamagitan ng mga pangyayari at karanasan sa aking buhay. Naging pari ako dahil nakipag-isa ako sa plano ng Diyos. Ngayong pari na ako magiging maayos, masaya at mabunga ang buhay pagkapari ko kung patuloy kong igagalang at susundin ang plano ng Diyos, at kung hindi magiging miserable ang buhay ko. Ganoon din sa buhay may asawa. Subukan mong lumihis sa plano ng Diyos ukol sa buhay may asawa o buhay pamilya tiyak magiging masalimuot ang buhay.
Ang buhay na kaloob ng Diyos ay napakasimple. Tayo ang nagpapasalimuot dito at tayo din ang dahilan kung bakit nagiging mas mahirap ito. Pinipilit kasi nating lumihis sa plano at disenyo ng Diyos. Dapat laging balikan kung ano ang orihinal na plano at disenyo ng Diyos. Mas mabuti pa din ang orig. Doon tayo mapapabuti. Lagi tayong bumalik sa orihinal na walang iba kundi ang Diyos. Mas mainam ang orig kaysa imitation lamang.  

Friday, September 28, 2012

KAPANALIG

Kapanalig
(Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon)

Sapagkat  ang hindi laban sa atin ay panig sa atin.
Ngayong nalalapit na naman ang halalan muli nating makikita ang pagpanig o pagkiling ng mga kandidato at maging ng mga manghahalal sa mga napupusuan nilang partido o alyansa. Kapansin-pansin din na sa larangan ng pulitika mukhang walang permanenteng magkakampi o magkakatunggali. Ngayon magkakampi, bukas hindi na. Ngayon magkatunggali, bukas magkasama na. Isang mukha ito ng kinagisnan nating pulitika.
Subalit sa larangan ng pananampalataya iisang lang ang dapat kilingan o panigan. Wala ng iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Si Hesus at tayo ang dapat na manatiling magka-alyansa anuman ang mangyari. Tiyak lahat tayo ay magpapahayag na gusto nating maging kapanalig ni Hesus at kapanalig si Hesus. Walang  tahasang magsasabi sa atin na tayo ay hindi kay Hesus. Gayunman, ang makapagpapatunay kung tayo ay panig kay Hesus o hindi ay ang pamamaraan ng ating buhay. Ang ating mga kilos at pagpapahalaga sa buhay ang mangungusap kung tayo ay totoong kaalyansa ni Hesus. May mga palatandaan kung tayo ay panig kay Hesus o hindi.
            Una, kumikilos sa ngalan ni Hesus. Ang taong nakita ng mga alagad na nagpapalayas ng demonyo ay kumikilos gamit ang pangalan ni Hesus. Ang paggamit niya sa pangalan ni Hesus ay hindi para lang gamitin si Hesus. Kumikilos siya sa kapangyarihang galing kay Hesus. Panig tayo kay Hesus kapag ginagawa natin ang mga bagay-bagay sa buhay natin nang kasama si Hesus. Sa kanya nagmumula ang ating inspirasyon at sigla na gumawa ng mabuti.  Hindi sapat na mabuti lang ang gagawin natin at may mabuti tayo intensiyon. Dapat isinasama din natin si Hesus. Ang dahilan kung minsan ng ating pagkabigo sa mga gawain natin ay ang hindi natin pagkonsulta kay Hesus. Akala natin kaya na natin ang lahat at hindi na natin Siya kailangan dahil magaling at mahusay naman tayo. Mas magiging magaling at mahusay tayo kung kasama natin si Hesus.
            Ikalawa, ang taong panig kay Hesus ay daan ng kabanalan. Sabi ni Hesus, “Mabuti pa sa  isang tao ang siya’y bitinan ng isang malaking gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala…”. Kung panig tayo kay Hesus tayo ay magiging daan sa pagpapakabuti ng ating kapwa tao. Ang mga magulang ay dapat maging mabuting halimbawa sa kanilang mga anak. Ang magandang halimbawa ang isang mabisang pamamaraan ng pagdidisiplina sa mga anak. Ang mga magkakaibigan ay dapat inaalalayan ang bawat isa upang hindi mabulid sa masama. Ang kaibigang totoo ay umaakay sa atin sa kabutihan, hindi sa kasamaan. Napakasarap ng pakiramdam kapag tayo ay nagiging instrumento ng pagbabalik-loob sa Diyos ng ating kapwa tao. May saysay ang buhay natin kapag nakapaglalapit tayo ng tao sa Diyos.
            Lagi tayong makipag-alyansa kay Hesus. Kahit anuman ang mangyari sa buhay natin huwag tayong bibitiw kay Hesus. Huwag sana natin Siyang talikuran kung may pagsubok sa buhay. Mas higit tayong pumanig kay Hesus sa mga sandali ng pagkalito, kabiguan o kahirapan. Kailanman hindi tayo iiwanan ng Diyos. Kapag Siya ang kapanalig natin hindi tayo mabibigo! 

Monday, September 24, 2012

ANG SUKATAN NG KADAKILAAN


Ang Sukatan ng Kadakilaan
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon - (B)
Setyembre 23, 2012

Noong nakaraang Linggo ipinahayag ni Hesus sa kanyang mga alagad na ang Anak ang Tao ay kailangang magbata ng maraming hirap bago niya matamo ang kadakilaan, bagay na hindi matanggap ni Pedro, kaya’t sinabihan siya ni Hesus, “Lumayo ka satanas, ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao”. Matapos ang pangyayaring ito natuklasan ni Hesus na pinag-uusapan ng mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. Hindi pa rin naunawaan ng mga alagad ang ibig sabihin ni Hesus sa pagpapakasakit ng Anak ng Tao. Iba ang sukatan nila ng kadakilaan.
            Kakaiba din ang sukatan ng kadakilaan ng mundo. Sa mundong ginagalawan natin ang dakila ay ang may kapangyarihan, maraming kayamanan, sikat, maraming naiambag sa lipunan, pinagpupugayan kahit matagal nang patay. Kay Hesus dalawa lamang ang sukatan ng kadakilaan: maging huli sa lahat at maging lingkod ng lahat.
            Ang kadakilaan ay nasusukat sa kakayahang maging huli sa lahat upang ang iba ay mauna. Taliwas ito sa itinuturo sa atin ng mundo na dapat maging una tayo palagi. Ang pagiging huli sa mata ng mundo ay kulelat, mahina, kawawa. Paano ba maging huli sa lahat? Ito ay pag-iisip sa kabutihan ng iba bago ang sa atin. Ito ay pagsasangtabi ng ating mga personal na interest para sa kapakanan ng ibang tao. Sa makatuwid, ang pagiging huli sa lahat ay hindi pagiging makasarili (selfish of self- centered).  Kahit saan laganap ang kumpetisyon. Kung tutuusin hindi naman talaga masama ito. Ang nagpapasama dito ay kapag dahil sa kumpetisyon nakakalimutan na natin ang kabutihan ng iba at natatapakan o nasasagasaan na natin sila dahil sa pagsusulong natin ng ating mga personal na interest. Para maging huli tayo at una ang iba kailangang matuto tayong magparaya.
            Ang kadakilaan ay nasusukat sa kakayahang maging lingkod ng lahat. Ilang buwan na lamang at maririrnig na natin ang mga taong magpapahayag ng mithiin ng maglingkod sa lahat. Sana hindi lang sa salita kundi pati sa gawa. Ang maging lingkod ng lahat ay pag-aaalay ng sarili para sa lahat. Ang maging lingkod ng lahat ay magdulot ng magandang pagbabago sa buhay ng tao hindi lamang sa aspeto ng kabuhayan, kundi sa kabuuan ng pagkatao.
            Para pumasa tayo sa dalawang sukatan na ito ng kadakilaan kailangan natin ang kababaang loob. Kailangan nating maging mababang loob para unahin ang iba at tayo ay mahuli. Kailangan natin ang kababaang loob para mapaglingkuran ang lahat, kahit ang mga taong ayaw sa atin.
            Maraming taong dakila sa paligid natin. Ang mga tricycle drivers at taxi drivers na nagsasauli ng mga naiiwang gamit ng kanilang mga pasahero; ang mga magulang na nagsasakripisyo mapagtapos lamang ang mga anak; ang empleyado ng gobyerno na matapat sa mga tungkulin kahit maliit ang suweldo; ang mga tinder na tama kung magtimbang; ang mga lingkod simbahan na walang pagod sa paglilingkod kahit walang suweldo. Ikaw, ako, tayong lahat maaaring maging dakila.
            Sa paghahangad natin na maging dakila ang sukatan ni Hesus nawa ang maging batayan natin at hindi ang sa mundo. Maaari tayong maging dakila kung kaya nating unahin ang iba kahit tayo ang mahuli at kung kaya natin na maging lingkod ng lahat. Ito din ang susi sa tunay na kaligayahan.

    

Wednesday, September 19, 2012

KRUS: AND KORONA NG TAGUMPAY


Krus: Ang Korona ng Tagumpay
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon - (B)
Setyembre 16, 2012

Noong nakaraang Biyernes, ika-14 ng Setyembre ay ipinagdiwang natin ang Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal, at sinundan ito ng Paggunita sa Mahal sa Mahal na Birheng Nagdadalamhati (Our Lady of Sorrows) noong Sabado, ika-15 ng Setyembre. Ito ay mga pagdiriwang na sa unang tingin ay nakatuon sa pagkabigo o pagkatalo, kalungkutan at pagdurusa. Maaari nating itanong, Bakit may Pista ng Krus? Bakit may pagbibigay pansin kay Maria na Nagdadalamhati? Tayo ba ay relihiyon ng pasakit at kalungkutan? Tuwing Biyernes Santo tampok sa ating Liturhiya ang Pagsamba sa Krus. Pumipila tayo at hinahagkan ang Krus na Banal ng Panginoong Hesus. Ganoon na lamang ang pagpapahalaga natin sa Krus dahil ito ang instrumento ng pagliligtas ng Diyos sa atin at higit sa lahat ito ang palatandaan ng pag-ibig ng Diyos sa atin.
            Ipagpalagay natin isang araw ng Linggo nagsimba kayo at wala ang krus sa dambana, magtataka kayo at marahil magtanong kayo, “Nasa loob ba ako ng simbahang Katoliko?” Kapag inalis natin ang krus wala ng kahulugan ang pananampalataya, wala ng kabuluhan ang relihiyon, wala na ring kabuluhan ang  buhay. Ano ba ang pananaw natin sa krus ngayong panahon na ito? Katulad ni Pedro hindi rin katatanggap-tanggap noong una para sa kanya ang pagpapakasakit at paghihirap. Maraming tao ngayon ang gusto ay kung ano ang madali, mabilis, walang hirap, madalian. Ito ang isang masamang dulot na mundong nasanay na sa konsepto na panandaliang ginhawa. Ayaw na nang nahihirapan.
            Maging si Kristo ay hindi umiwas sa krus. Pinasan niya ito para sa atin at para turuan tayo ng magandang halimbawa. Ang mga Pagbasa natin ngayong Linggo ay nagtuturo sa atin ng tamang pananaw o saloobin sa krus.  Sa Unang Pagbasa ay ipinapakita ni propeta Isaias ang Nagdurusang Lingkod ng Diyos (Suffering Servant) na hindi tumutol at nagreklamo sa mga pahirap na hindi naman dapat para sa kanya. Itinuturo naman ni Apostol Santiago ang magkatambal na pananampalataya at gawa. Ito ang mga angkop na tugon sa mga krus natin sa buhay. Wala naman talagang magandang dulot ang pagrereklamo sa Diyos at sa ibang tao kapag tayo’y nahihirapan. Hindi naman pinagagaan nito ang buhay kundi lalo pang pinabibigat nito. Hindi rin tayo ginagawang mabuti ng pagrereklamo. It doesn’t make us good, and it doesn’t bring out the good in us. Ang angkop na saloobin  sa krus ay kababaabaang loob. Mas pinagagaan nito ang krus at ang buhay natin. Ang isa pang angkop na saloobin sa krus ay pananampalataya at gawa. Pasanin natin ito nang may pananampalataya. Pinagagaan din nito ang krus na pinapasan natin. Sa halip na magreklamo sa Diyos at manisi ng ibang tao gumawa din tayo ng mabuti. Mahamon sana tayo ng mga pasakit at paghihirap na pinagdadaanan natin para lalong sumampalataya sa Diyos at magsikap na magpakabuti at gumawa ng kabutihan. Kung ganito ang saloobin natin sa krus ito ay magiging korona ng tagumpay.     



Thursday, September 13, 2012

MABUKSAN


Mabuksan
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon - (B)
Setyembre 9, 2012

       Mahirap ang pinagdadaanan ng mga taong may kapansanan sa pandinig- ang mga bingi at utal. Hindi nila masabi nang maayos kung ano ang gusto nila o kaya ang totoong nararamdaman nila. Mahirap din para sa mga nangangalaga o palaging nilang nakakasama ang ganitong kalagayan. Salamat at tayong lahat ay biniyayaan ng kakayahan na makarinig at makapagsalita. Dapat nating gamitin ito para ipahayag ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa sa atin ng Diyos.
May isa pang uri ng pagkabingi at pagkautal na maaaring magpahirap sa tao. Ito ay ang ispirituwal na pagkabingi at pagkautal. Hindi ito likas na pagkabingi at pagkautal kundi pinili ng tao na maging bingi at utal sa iba’t ibang kadahilanan (not by nature but by choice). Palagay ko ito ang mas mahirap gamutin o bigyan ng lunas, pero mayroon namang pwedeng gawin.
     May mga palatandaan ang ispirituwal ng pagkabingi at pagkautal. Una, kawalang pakialam sa pangangailangan ng iba (indifference). Nakikita nang may pangangailangan ang iba pero hindi pa rin kumikilos. Hindi lamang kawalang pakialam ito sa pangangailangan ng iba pati na rin sa nararamdaman ng kapwa, kasama na rin din dito ang kawalang pakialam sa nangyayari sa paligid tulad ng kawalang katarungan o pang-aabuso sa ibang tao. Dapat kumikibo tayo kapag may nagiging kawawa dahil sa kawalang katarungan ng iba. Ikalawa, ang hindi pagkilala sa mga magagandang bagay na ginagawa ng Diyos. Mayroon tayong kakayahang makapagsalita para maipahayag natin ang kabutihan ng Diyos. Ang iba taong ay nahihiya o natatakot magpahayag sa kabutihan ng Diyos dahil mas sanay na makita at maipahayag ang hindi magaganda at mabubuting bagay. Bingi at utal na ipahayag ang kabutihang-loob ng Diyos dahil sinanay ng mundo nakatutok sa negatibong mukha ng buhay. Maganda ang buhay dahil galing ito sa Diyos. Ang disposisyon o pananaw natin sa buhay ang hindi maganda.
       May magagawa ba tayo sa ispirituwal na pagkabingi at pagkautal? Ang magagawa natin ay palagi nating sanayin ang sarili na tumugon sa pangangailangan ng iba, gayundi kumilos nang wasto sa mga nangyayari sa paligid natin. Sanayin natin ang ating sarili na makita ang mas maganda at positibong mukha ng buhay at ito ang ipahayag natin sa iba.
Mabuksan! Ito ang salita ni Hesus sa lalaking bingi at utal. Ito rin ang sinasabi sa atin ni Hesus. Mabuksan nawa ang anumang sarado sa atin upang makapasok ang pag-ibig ni Hesus.