Kapanalig
(Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon)
Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin.
Ngayong
nalalapit na naman ang halalan muli nating makikita ang pagpanig o pagkiling ng
mga kandidato at maging ng mga manghahalal sa mga napupusuan nilang partido o
alyansa. Kapansin-pansin din na sa larangan ng pulitika mukhang walang
permanenteng magkakampi o magkakatunggali. Ngayon magkakampi, bukas hindi na.
Ngayon magkatunggali, bukas magkasama na. Isang mukha ito ng kinagisnan nating
pulitika.
Subalit sa
larangan ng pananampalataya iisang lang ang dapat kilingan o panigan. Wala ng
iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Si Hesus at tayo ang dapat na manatiling
magka-alyansa anuman ang mangyari. Tiyak lahat tayo ay magpapahayag na gusto
nating maging kapanalig ni Hesus at kapanalig si Hesus. Walang tahasang magsasabi sa atin na tayo ay hindi
kay Hesus. Gayunman, ang makapagpapatunay kung tayo ay panig kay Hesus o hindi
ay ang pamamaraan ng ating buhay. Ang ating mga kilos at pagpapahalaga sa buhay
ang mangungusap kung tayo ay totoong kaalyansa ni Hesus. May mga palatandaan
kung tayo ay panig kay Hesus o hindi.
Una,
kumikilos sa ngalan ni Hesus. Ang taong nakita ng mga alagad na
nagpapalayas ng demonyo ay kumikilos gamit ang pangalan ni Hesus. Ang paggamit
niya sa pangalan ni Hesus ay hindi para lang gamitin si Hesus. Kumikilos siya
sa kapangyarihang galing kay Hesus. Panig tayo kay Hesus kapag ginagawa natin
ang mga bagay-bagay sa buhay natin nang kasama si Hesus. Sa kanya nagmumula ang
ating inspirasyon at sigla na gumawa ng mabuti.
Hindi sapat na mabuti lang ang gagawin natin at may mabuti tayo
intensiyon. Dapat isinasama din natin si Hesus. Ang dahilan kung minsan ng
ating pagkabigo sa mga gawain natin ay ang hindi natin pagkonsulta kay Hesus.
Akala natin kaya na natin ang lahat at hindi na natin Siya kailangan dahil
magaling at mahusay naman tayo. Mas magiging magaling at mahusay tayo kung
kasama natin si Hesus.
Ikalawa,
ang taong panig kay Hesus ay daan ng kabanalan. Sabi ni Hesus, “Mabuti pa sa isang tao ang siya’y bitinan ng isang
malaking gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng
pagkakasala…”. Kung panig tayo kay Hesus tayo ay magiging daan sa
pagpapakabuti ng ating kapwa tao. Ang mga magulang ay dapat maging mabuting halimbawa
sa kanilang mga anak. Ang magandang halimbawa ang isang mabisang pamamaraan ng
pagdidisiplina sa mga anak. Ang mga magkakaibigan ay dapat inaalalayan ang
bawat isa upang hindi mabulid sa masama. Ang kaibigang totoo ay umaakay sa atin
sa kabutihan, hindi sa kasamaan. Napakasarap ng pakiramdam kapag tayo ay
nagiging instrumento ng pagbabalik-loob sa Diyos ng ating kapwa tao. May saysay
ang buhay natin kapag nakapaglalapit tayo ng tao sa Diyos.
Lagi tayong makipag-alyansa kay
Hesus. Kahit anuman ang mangyari sa buhay natin huwag tayong bibitiw kay Hesus.
Huwag sana natin Siyang talikuran kung may pagsubok sa buhay. Mas higit tayong
pumanig kay Hesus sa mga sandali ng pagkalito, kabiguan o kahirapan. Kailanman
hindi tayo iiwanan ng Diyos. Kapag Siya ang kapanalig natin hindi tayo
mabibigo!