Monday, September 24, 2012

ANG SUKATAN NG KADAKILAAN


Ang Sukatan ng Kadakilaan
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon - (B)
Setyembre 23, 2012

Noong nakaraang Linggo ipinahayag ni Hesus sa kanyang mga alagad na ang Anak ang Tao ay kailangang magbata ng maraming hirap bago niya matamo ang kadakilaan, bagay na hindi matanggap ni Pedro, kaya’t sinabihan siya ni Hesus, “Lumayo ka satanas, ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao”. Matapos ang pangyayaring ito natuklasan ni Hesus na pinag-uusapan ng mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. Hindi pa rin naunawaan ng mga alagad ang ibig sabihin ni Hesus sa pagpapakasakit ng Anak ng Tao. Iba ang sukatan nila ng kadakilaan.
            Kakaiba din ang sukatan ng kadakilaan ng mundo. Sa mundong ginagalawan natin ang dakila ay ang may kapangyarihan, maraming kayamanan, sikat, maraming naiambag sa lipunan, pinagpupugayan kahit matagal nang patay. Kay Hesus dalawa lamang ang sukatan ng kadakilaan: maging huli sa lahat at maging lingkod ng lahat.
            Ang kadakilaan ay nasusukat sa kakayahang maging huli sa lahat upang ang iba ay mauna. Taliwas ito sa itinuturo sa atin ng mundo na dapat maging una tayo palagi. Ang pagiging huli sa mata ng mundo ay kulelat, mahina, kawawa. Paano ba maging huli sa lahat? Ito ay pag-iisip sa kabutihan ng iba bago ang sa atin. Ito ay pagsasangtabi ng ating mga personal na interest para sa kapakanan ng ibang tao. Sa makatuwid, ang pagiging huli sa lahat ay hindi pagiging makasarili (selfish of self- centered).  Kahit saan laganap ang kumpetisyon. Kung tutuusin hindi naman talaga masama ito. Ang nagpapasama dito ay kapag dahil sa kumpetisyon nakakalimutan na natin ang kabutihan ng iba at natatapakan o nasasagasaan na natin sila dahil sa pagsusulong natin ng ating mga personal na interest. Para maging huli tayo at una ang iba kailangang matuto tayong magparaya.
            Ang kadakilaan ay nasusukat sa kakayahang maging lingkod ng lahat. Ilang buwan na lamang at maririrnig na natin ang mga taong magpapahayag ng mithiin ng maglingkod sa lahat. Sana hindi lang sa salita kundi pati sa gawa. Ang maging lingkod ng lahat ay pag-aaalay ng sarili para sa lahat. Ang maging lingkod ng lahat ay magdulot ng magandang pagbabago sa buhay ng tao hindi lamang sa aspeto ng kabuhayan, kundi sa kabuuan ng pagkatao.
            Para pumasa tayo sa dalawang sukatan na ito ng kadakilaan kailangan natin ang kababaang loob. Kailangan nating maging mababang loob para unahin ang iba at tayo ay mahuli. Kailangan natin ang kababaang loob para mapaglingkuran ang lahat, kahit ang mga taong ayaw sa atin.
            Maraming taong dakila sa paligid natin. Ang mga tricycle drivers at taxi drivers na nagsasauli ng mga naiiwang gamit ng kanilang mga pasahero; ang mga magulang na nagsasakripisyo mapagtapos lamang ang mga anak; ang empleyado ng gobyerno na matapat sa mga tungkulin kahit maliit ang suweldo; ang mga tinder na tama kung magtimbang; ang mga lingkod simbahan na walang pagod sa paglilingkod kahit walang suweldo. Ikaw, ako, tayong lahat maaaring maging dakila.
            Sa paghahangad natin na maging dakila ang sukatan ni Hesus nawa ang maging batayan natin at hindi ang sa mundo. Maaari tayong maging dakila kung kaya nating unahin ang iba kahit tayo ang mahuli at kung kaya natin na maging lingkod ng lahat. Ito din ang susi sa tunay na kaligayahan.