Krus: Ang Korona ng Tagumpay
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon - (B)
Setyembre 16, 2012
Setyembre 16, 2012
Noong
nakaraang Biyernes, ika-14 ng Setyembre ay ipinagdiwang natin ang Kapistahan ng
Pagtatampok sa Krus na Banal, at sinundan ito ng Paggunita sa Mahal sa Mahal na
Birheng Nagdadalamhati (Our Lady of Sorrows) noong Sabado, ika-15 ng Setyembre.
Ito ay mga pagdiriwang na sa unang tingin ay nakatuon sa pagkabigo o pagkatalo,
kalungkutan at pagdurusa. Maaari nating itanong, Bakit may Pista ng Krus? Bakit
may pagbibigay pansin kay Maria na Nagdadalamhati? Tayo ba ay relihiyon ng
pasakit at kalungkutan? Tuwing Biyernes Santo tampok sa ating Liturhiya ang
Pagsamba sa Krus. Pumipila tayo at hinahagkan ang Krus na Banal ng Panginoong
Hesus. Ganoon na lamang ang pagpapahalaga natin sa Krus dahil ito ang
instrumento ng pagliligtas ng Diyos sa atin at higit sa lahat ito ang
palatandaan ng pag-ibig ng Diyos sa atin.
Ipagpalagay natin isang araw ng
Linggo nagsimba kayo at wala ang krus sa dambana, magtataka kayo at marahil
magtanong kayo, “Nasa loob ba ako ng simbahang Katoliko?” Kapag inalis natin
ang krus wala ng kahulugan ang pananampalataya, wala ng kabuluhan ang
relihiyon, wala na ring kabuluhan ang
buhay. Ano ba ang pananaw natin sa krus ngayong panahon na ito? Katulad
ni Pedro hindi rin katatanggap-tanggap noong una para sa kanya ang
pagpapakasakit at paghihirap. Maraming tao ngayon ang gusto ay kung ano ang
madali, mabilis, walang hirap, madalian. Ito ang isang masamang dulot na
mundong nasanay na sa konsepto na panandaliang ginhawa. Ayaw na nang
nahihirapan.
Maging si Kristo ay hindi umiwas sa
krus. Pinasan niya ito para sa atin at para turuan tayo ng magandang halimbawa.
Ang mga Pagbasa natin ngayong Linggo ay nagtuturo sa atin ng tamang pananaw o
saloobin sa krus. Sa Unang Pagbasa ay
ipinapakita ni propeta Isaias ang Nagdurusang Lingkod ng Diyos (Suffering
Servant) na hindi
tumutol at nagreklamo sa mga pahirap
na hindi naman dapat para sa kanya. Itinuturo naman ni Apostol Santiago ang magkatambal na
pananampalataya at gawa. Ito ang mga angkop na tugon sa mga krus
natin sa buhay. Wala naman talagang magandang dulot ang pagrereklamo sa Diyos
at sa ibang tao kapag tayo’y nahihirapan. Hindi naman pinagagaan nito ang buhay
kundi lalo pang pinabibigat nito. Hindi rin tayo ginagawang mabuti ng
pagrereklamo. It doesn’t make us good, and it doesn’t bring out the good in us.
Ang angkop na saloobin sa krus ay kababaabaang loob.
Mas pinagagaan nito ang krus at ang buhay natin. Ang isa pang angkop na
saloobin sa krus ay pananampalataya at gawa. Pasanin natin ito nang
may pananampalataya. Pinagagaan din nito ang krus na pinapasan natin. Sa halip
na magreklamo sa Diyos at manisi ng ibang tao gumawa din tayo ng mabuti.
Mahamon sana tayo ng mga pasakit at paghihirap na pinagdadaanan natin para lalong
sumampalataya sa Diyos at magsikap na magpakabuti at gumawa ng kabutihan. Kung
ganito ang saloobin natin sa krus ito ay magiging korona ng tagumpay.