Thursday, September 13, 2012

MABUKSAN


Mabuksan
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon - (B)
Setyembre 9, 2012

       Mahirap ang pinagdadaanan ng mga taong may kapansanan sa pandinig- ang mga bingi at utal. Hindi nila masabi nang maayos kung ano ang gusto nila o kaya ang totoong nararamdaman nila. Mahirap din para sa mga nangangalaga o palaging nilang nakakasama ang ganitong kalagayan. Salamat at tayong lahat ay biniyayaan ng kakayahan na makarinig at makapagsalita. Dapat nating gamitin ito para ipahayag ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa sa atin ng Diyos.
May isa pang uri ng pagkabingi at pagkautal na maaaring magpahirap sa tao. Ito ay ang ispirituwal na pagkabingi at pagkautal. Hindi ito likas na pagkabingi at pagkautal kundi pinili ng tao na maging bingi at utal sa iba’t ibang kadahilanan (not by nature but by choice). Palagay ko ito ang mas mahirap gamutin o bigyan ng lunas, pero mayroon namang pwedeng gawin.
     May mga palatandaan ang ispirituwal ng pagkabingi at pagkautal. Una, kawalang pakialam sa pangangailangan ng iba (indifference). Nakikita nang may pangangailangan ang iba pero hindi pa rin kumikilos. Hindi lamang kawalang pakialam ito sa pangangailangan ng iba pati na rin sa nararamdaman ng kapwa, kasama na rin din dito ang kawalang pakialam sa nangyayari sa paligid tulad ng kawalang katarungan o pang-aabuso sa ibang tao. Dapat kumikibo tayo kapag may nagiging kawawa dahil sa kawalang katarungan ng iba. Ikalawa, ang hindi pagkilala sa mga magagandang bagay na ginagawa ng Diyos. Mayroon tayong kakayahang makapagsalita para maipahayag natin ang kabutihan ng Diyos. Ang iba taong ay nahihiya o natatakot magpahayag sa kabutihan ng Diyos dahil mas sanay na makita at maipahayag ang hindi magaganda at mabubuting bagay. Bingi at utal na ipahayag ang kabutihang-loob ng Diyos dahil sinanay ng mundo nakatutok sa negatibong mukha ng buhay. Maganda ang buhay dahil galing ito sa Diyos. Ang disposisyon o pananaw natin sa buhay ang hindi maganda.
       May magagawa ba tayo sa ispirituwal na pagkabingi at pagkautal? Ang magagawa natin ay palagi nating sanayin ang sarili na tumugon sa pangangailangan ng iba, gayundi kumilos nang wasto sa mga nangyayari sa paligid natin. Sanayin natin ang ating sarili na makita ang mas maganda at positibong mukha ng buhay at ito ang ipahayag natin sa iba.
Mabuksan! Ito ang salita ni Hesus sa lalaking bingi at utal. Ito rin ang sinasabi sa atin ni Hesus. Mabuksan nawa ang anumang sarado sa atin upang makapasok ang pag-ibig ni Hesus.