Tayo
na sa Orig
(Ika-27
Linggo sa Karaniwang Panahon)
Karaniwang
mas gusto natin ang orig o orihinal kaysa sa hindi o imitation lamang. Kahit na mas mahal ang orig mas ginugusto natin ito dahil nasisiyahan tayo sa mas mataas
na kalidad nito. Mas gusto natin ang orihinal na pabango kaysa imitation lamang kasi mas iba ang bango
ng orig. Mas gusto natin ang orig na damit kaysa imitation
lamang kasi iba ang dating ng orig
kaysa imitation lamang. Halos sa
lahat ng larangan mas gusto natin ang orig
o ang orihinal. Ayaw nga din natin kapag ginagaya tayo, kaya sinasabi natin,
“Walang kang originality”.
Ang Diyos
ang may orig o orihinal na plano at disenyo sa lahat ng bagay. Ito ang
katotohanang binibigyan diin ng Salita ng Diyos ngayong Linggo. Ang Diyos ang
may plano at disenyo sa ating katawan na may magandang pagkakaayos. Siya din
ang may disenyo ng mga bagay sa kalawakan, sa lupa, sa ilalim ng lupa, sa
ilalim ng tubig at sa lahat ng bagay. Siya din ang may plano at disenyo sa kasal
na ngayon ay tinatawag nating sakramento. Itinaas pa ito ni Hesus sa antas ng
sakramento para maging daluyan ng biyaya sa mga babae at lalake na
nagmamahalan.
Sa ngayon
maraming nagtatangkang ibahin ang plano ng Diyos ukol sa Kasal. Sa simula pa,
ayon sa disenyo ng Diyos ito ay para sa isang lalaki at babae na nagmamahalan.
Subalit ngayon may mga nagpipilit na maaari na din ito para sa mga
magkaparehong kasarian (same sex union). Sa pasimula pa, ayon sa plano ng Diyos
ito ay pang-habambuhay (indissoluble). Subalit ngayon, may mga nagpupumilit na
isabatas ang diborsiyo, o kaya naman buhay pa ang asawa ay pinapalitan na!
Pilit nilang binibigyang katuwiran ang paglihis sa plano ng Diyos na siyang
nakakaalam ng lahat ng bagay. Kahit ang katawan ng tao na likha ng Diyos ay
nais pakialaman ng tao alang-alang daw sa kabutihan nito na kalimitan ay
nakasasama pa nga dito. Para hindi na daw magtagal ang paghihirap ng taong may
sakit ay dapat ng lapatan ng euthanasia o
ayon sa kanila ay mercy killing. (Kailan
pa kaya naging pagpapakita ng awa ang pagkitil sa buhay ng tao?). Sa pasimula
pa, ayon sa plano ng Diyos ang tao ay bunga ng pagmamahalan ng babae at lalaki
sa pamamagitan ng pagtatalik. Ngayon may mga taong nagsasabi puwede ng buuin
ang tao sa test tube o kaya sa
pamamagitan ng cloning. Ilan lamang
ito sa pagtatangka ng tao na ibahin ang orihinal na plano at disenyo ng Diyos.
Sa pagtatangka
ng tao na lumihis sa plano ng Diyos ay napapahamak siya. Napapahamak ang buhay
mag-asawa at buhay pamilya kapag lumihis sa plano ng Diyos ukol dito. Napapahamak
ang buhay ng tao kapag pilit niya sinusunod ang sarili niyang plano at disenyo
at hindi ang plano at disenyo ng Diyos. Katapatan ang susi para mapanatili
natin ang disenyo ng Diyos. Dapat tayong maging matapat sa plano ng Diyos para
maging maayos, masaya at mabunga ang buhay natin.
Naniniwala
ako na sa pasimula ayon sa plano ng Diyos ay nais Niya akong maging pari.
Unti-unti itong nilinaw ng Diyos habang ako ay lumalaki sa pamamagitan ng mga
pangyayari at karanasan sa aking buhay. Naging pari ako dahil nakipag-isa ako
sa plano ng Diyos. Ngayong pari na ako magiging maayos, masaya at mabunga ang
buhay pagkapari ko kung patuloy kong igagalang at susundin ang plano ng Diyos,
at kung hindi magiging miserable ang buhay ko. Ganoon din sa buhay may asawa.
Subukan mong lumihis sa plano ng Diyos ukol sa buhay may asawa o buhay pamilya
tiyak magiging masalimuot ang buhay.
Ang buhay na
kaloob ng Diyos ay napakasimple. Tayo ang nagpapasalimuot dito at tayo din ang
dahilan kung bakit nagiging mas mahirap ito. Pinipilit kasi nating lumihis sa
plano at disenyo ng Diyos. Dapat laging balikan kung ano ang orihinal na plano
at disenyo ng Diyos. Mas mabuti pa din ang orig. Doon tayo mapapabuti. Lagi
tayong bumalik sa orihinal na walang iba kundi ang Diyos. Mas mainam ang orig
kaysa imitation lamang.