Ang Daan Tungo sa Buhay na Walang Hanggan
(Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon)
Tayong
lahat ay nag-aasam na makarating sa langit at magtamo ng buhay ng walang
hanggang. Buhay na walang hanggan ang tinatanaw natin kaya tayo nagsisikap na maging
mabuti at banal. Katulad tayo ng lalaking lumapit kay Hesus na nagtanong, “Mabuting guro, ano po ang dapat kong gawin
upang magkamit ng buhay na walang hanggan?
Alam niya ang mga Utos ng Diyos na tinutupad na niya simula pa sa
kanyang pagkabata. Ang pagtupad sa mga utos ng Diyos ang unang hakbang sa
pagkakamit ng buhay na walang hanggan. Ibinigay ito ni Yahweh sa mga Israelita
upang sila’y makarating sa Lupang Pangako. Marami sa kanila ang hindi nakapasok
dahil sa pagwawalang bahala sa mga utos ng Diyos. Bilang mga Katoliko inaasahan
sa atin na alam natin sa ating puso ang mga Utos ng Diyos at sinisikap nating
tuparin araw-araw. Ang mga ito ay hindi pabigat sa atin kundi gabay natin sa
maayos na pakikitungo sa Diyos at sa ating kapwa tao. Marami sa mga Israelita
ang nagturing sa mga kautusan ni Yahweh bilang pabigat, at naging mabigat nga
ang kanilang buhay dahil sa kanilang negatibong saloobin tungkol dito. Ganito
din ba ang pananaw at saloobin natin sa mga Utos ng Diyos? Ang Utos ng Diyos ay
nagsisilbing panuto sa ating buhay. Hindi kailanman ibinigay ng Diyos ang mga
ito para pahirapan tayo.
Ang pag-alam at pagtupad sa Utos ng Diyos ang unang
hakbang tungo sa buhay na walang hanggan. Ang ikalawang hakbang ay ang
pagbabahagi sa kapwa. Ito ang konkretong pagsasakatuparan ng mga Utos ng Diyos.
Nalungkot ang lalaki nang marinig ito sapagkat siya’y napakayaman. Ang
kayamanan ay biyaya ng Diyos. Hindi masama ang kayamanan gayundin ang
magpayaman. Subalit hindi dapat na maging sagabal ito sa pagkakamit natin ng
buhay na walang hanggan. Hindi tayo dapat paalipin sa kayamanan o materyal na
bagay. Dapat matulungan tayo ng kayamanan para maging mabuting anak ng Diyos.
Kung nagiging makasarili ang tao dahil sa kayamanan ito ang magiging simula ng
kanyang pagbagsak. Kung tayo’y biniyayaan ng Diyos ng kayamanan o materyal na
bagay ito’y para sa ating ikabubuti. Kung tayo man ay nakaririwasa sa buhay
tayo ay nasa posisyon para magbahagi at makatulong sa ating kapwa.
Ito ang dalawang hakbang sa pagtatamo ng buhay na walang
hanggan: ang pagtupad sa mga Utos ng Diyos at pagbibigay laman dito sa
pamamagitan ng pagbabahagi sa kapwa. Kailangan natin ang Karunungan at Salita
ng Diyos para malaman natin kung ano talaga ang mahalaga sa buhay na maghahatid
sa atin sa buhay na walang hanggan. Isabuhay natin araw-araw ang mga Utos ng
Diyos at mabubuhay tayo sa piling ng Diyos.