Misyon hindi Ambisyon
(Ika-29 na Linggo sa Karaniwang
Panahon)
Maraming mahahalagang okasyon ang ipinagdiriwang natin ngayong Linggo.Una, ang Pandaigdig na Araw ng Misyon o World Mission Sunday. Ikalawa, ang canonization ni Beato Pedro Calungsod. Ikatlo, ang ika-apat na taong anibersaryo ng Parokya ni San Jose, ang ating minamahal na parokya. Dahil puno na mahahalagang okasyon ang Linggong ito, nag-iiwan ito sa atin ng mahahalagang hamon tungkol sa pananampalataya at paglilingkod.
Ang buhay pananampalataya ay hindi tungkol sa ambisyon kundi sa misyon. Lumapit ang magkapatid na Santiago at Juan dahil sila ay may ambisyon- ang makaupo sila sa tabi ni Hesus, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Mga posisyon ito ng katanyagan o pagiging sikat. Matagal na nilang kasama si Hesus pero parang hindi sila natuto kay Hesus. Hindi pa rin nila naunawaan na kay Hesus hindi mahalaga ang posiyon at ambisyon kundi ang misyon, at para sa kanya ang misyon ay maging lingkod ng lahat at alipin ng lahat. Hindi ito posisyon ng katanyagan o pagiging sikat kundi ng pagpapakumbaba. Hindi masama ang magkaroon ng ambisyon. Kailangan nga natin ito para magkaroon tayo ng pokus sa buhay. Sabi nga libre lang ang mangarap o mag-abisyon. Gayunpaman, hindi naman dapat na maging makasarili tayo dahil sa ating mga pangarap o ambisyon. Ang mga ambisyon natin ay dapat dalhin tayo sa pagmimisyon. Namumuhay tayo sa mundong punung-puno ng paligsahan. Ang direksiyon ng marami ay papataas o pasulong. Lahat gustong mauna. Lahat gusto nasa itaas. Kung tutuusin hindi naman talaga masama ang maging nasa itaas. Hindi naman masama ang pagsulong. Ang masama ay kapag nagiging makasarili ang tao at nakakalimutan ang iba. Ang pagmimisyon ay magkaroon ng kakayahang isipin at isaalang-alang ang kabutihan ng iba. Ang pagmimisyon ay magkaroon ng kakayahang unahin ang iba kahit tayo ay mahuli.
Ang lugar ng pagmimisyon ay ang pamayanan na tinatawag nating parokya. Ang parokya ay dapat na maging pamayanang nagmimisyon. Apat na taon na ang nakalilipas nang itatag tayo bilang isang parokya. Layunin nito na higit na maibigay sa mga mananampalataya ang pangangalagang espirituwal at pastoral. Itinatag tayo bilang isang parokya sa ngalan ng pagmimisyon. Ito ang pinagsikapan at patuloy nating pinagsisikapan ngayon. Pagmimisyon ang dahilan ng ating mga programanng pastoral ng ating parokya. Maging ang pagpapatayo natin ng simbahang bato ay sa ngalan ng pagmimisyon. Lahat ng ating mga pagsisikap sa parokya ay sa ngalan ng pagmimisyon. Hindi ito magagawa ng pari kung siya'y nag-iisa. Kailangan niya ang mga katuwang na kusang loob na mag-aalay ng talino, yaman at kakayahan. Magiging lugar ng pagmimisyon ang parokya kung ang mga mananampalataya ay magsisikap na isabuhay ang Salita ng Diyos, unang-una sa tahanan papalabas.
Si San Pedro Calungsod ang ibinibigay sa atin ng Diyos ngayon na huwaran natin sa pagmimisyon. Sa gulang na 14 na taon pinangarap niya na maging tagapagpahayag ng Mabuting Balita. Sa murang gulang naging saksi siya ni Kristo. Sa murang gulang nagbuwis siya ng buhay alang-alang sa pananampalataya. Ang pagluluklok sa kanya sa altar ng mga banal ay nagpapatunay na maaaring maging banal ang mga Pilipino at maaaring maging saksi ng Mabuting Balita ang mga kabataan.
Ngayong Linggo, sikapin natin sagutin at pagnilayan ang mga tanong na ito. Ano ang magagawa ko para maging misyonero sa aking tahanan? Ano ang magagawa ko para maging aktibong kasapi ng aking parokya? Ano ang magagawa para katulad ni San Pedro Calungsod ako ay maging banal?
Ang parokya natin ay maging pamayanan nawa ng mga taong naglilingkod at nagpapakabanal.