Monday, October 29, 2012

KAY HESUS ANG TUNAY NA MAHALAGA


Kay Hesus ang Tunay na Mahalaga
(Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon)

“Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo”, ito ang pambungad na pangungusap ni Hesus kay Bartimeo. Tiyak alam ni Hesus na bulag ang taong ito. Tiyak alam Niya kung ano ang kailangan ni Bartimeo, pero tinanong pa din niya, “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo.” Napakapalad ng taong ito dahil si Hesus na mismo ang nagpatawag sa kanya mula sa karamihan at tinanong pa siya kung ano ang ibig na gawin sa kanya. Dalawang mahalagang aral ang hugutin natin sa pangyayari ito.
Una, si Hesus ang nagpapatawag sa atin. Siya palagi ang gumagawa ng simula para makalapit tayo sa Kanya (Jesus always takes the initiative). Nasa atin ang pagpapasya kung kung tutugon tayo sa kanyang pagtawag, at ang pagtugon sa pagtawag ay palaging kilos ng pananampalataya o act of faith. Isinaad sa Ebanghelyo, bilang tugon ni Bartimeo, “iniwaksi niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Hesus. Indikasyon ito ng  kagalakan niya na makalapit kay Hesus. Totoong bukal ng kagalakan ang makalapit kay Hesus. Hindi ito maihahambing sa pakikipagtagpo kahit sa sinumang pinakamahalaga o sikat na tao dito sa lupa. Kakaibang karanasan ang tawagin ni Hesus at lumapit sa Kanya. Tulad ni Bartimeo maiwaksi din sana natin ang anumang nakahahadlang sa atin para masayang makatugon at makalapit kay Hesus. Baka ito ay ang hiya at takot sa Kanya dahil sa ating mga kasalanan. Baka ito ay ang mga bisyo, masasamang ugali o hilig natin na nahihirapan tayong iwanan. Hindi magkukulang si Hesus sa pagbibigay sa atin ng biyayang kailangan natin para makalapit sa kanya.
            Ikalawa, kailangan nating bigkasin nang malinaw kay Hesus ang nilalaman ng ating puso. Ito ang dahilan kung bakit tinanong pa ni Hesus si Bartimeo kung ano ang ibig gawin sa kanya. Mahalagang alam natin ang gusto ng ating puso. Namamalimos lamang si Bartimeo, indikasyon ito na mahirap at kaawa-awa ang kanyang kalagayan. Wala siyang ibang maaasahan. Puwede sanang sinabi niya kay Hesus na gusto niya ng kayamanan. Tahasang sinabi ni Bartimeo, “Guro, ibig ko po sanang makakita”. Diretso ang kanyang sagot at iyon ang nilalaman ng kanyang puso. Iyon ang tunay na mahalaga para sa kanya. Napalakas ng hatak ng pagiging makamundo sa ngayon. Bunga ito ng tinatawag na post modernism. Isa sa kaisipang itinuturo nito ay ang paghahangad sa mga materyal na bagay lamang. Puwedeng hangarin ito basta hindi nakakapinsala o nakakasagasa ng iba. Ganito lang din ba ang mahalaga na nilalaman ng ating puso? Ang laman ba ng ating puso ay mga bagay lang na lumilipas tulad ng pera, kapangyarihan, katanyagan? Makalundag sana tayo mula sa mga makamundong paghahangad patungo sa mga bagay na pinapahalagahan ni Hesus tulad ng buhay at pananampalataya. Ito sana ang maging laman ng ating puso at itinuturing nating mahalaga sa lahat.
            Dalawang biyaya ang hilingin natin kay Hesus ngayong Linggo. Ang biyaya na masayang makatugon sa tawag niya at ang biyaya na masabi sa kanya ang tunay na mahalaga sa ating puso.