Tuesday, December 4, 2012

MALIGAYA O MALIGALIG


Maligaya o Maligalig
(Unang Linggo ng Adbiyento-K)

Maligayang Bagong Taon sa inyong lahat! Sinisimulan natin ngayong Unang Linggo ng Adbiyento ang panibagong panahon sa ating Taong Liturhiko.  May dalawang katangian ang panahong ito. Ito ay panahon ng paghahanda sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang, na itinuturing nating Unang Pagdating ng Anak ng Diyos sa sangkatauhan, gayundin ito ay panahon na nag-aanyaya sa atin na tanawin ang Ikalawang Pagdating ng Panginoon saw akas ng panahon.
Ngayong Unang Linggo sa Panahon ng Adbiyento, itinutuon ang ating pansin ng mga pagbasa, lalo na ng Mabuting Mabulita sa mga bagay na kinalaman sa wakas ng panahon. Mahalaga ang pagwawakas o ending. Sa isang sine o panoorin pinakaabangan ng tao kung paano ito magwawakas. Kapana-panabik ang mga eksena kung mareresolba ang conflict¸ kung mamamatay ba ang kontrabida o hindi. Interesado ang mga manonood kung paano magwawakas ang kuwento. Maligaya kaya ito o maligalig. Kalimitan kapag maligalig o malungkot ang pagwawakas nadidismaya ang mga manonood. Kapag naman maligaya ang pagwawakas kuntento ang tao. Kahit matagal nang tapos ang kuwento, pag-uusapan at pag-uusapan pa rin ito.
Ang pagwawakas o ending ay katotohanan din sa ating buhay pananampalataya, at nasa ating pagpapasya kung ito ay magiging maligaya o maligalig. Paano ba natin gustong marating ito? Sa maligaya o maligalig na pamamaraan? Tiyak ang sagot ng bawat isa sa atin ay sa maligayang pamamaraan.
Paano ba ang maligalig na pamamaraan? Ang maligalig na pamamaraan ay taglay ng mga taong tinatawag na pessimist. Para sa kanila ang kahihinatnan natin at ng mundo ay pagkawasak o pagkasira. Walang magandang kapupuntahan ang mundong ito. Wala na itong pag-asa. Ang lahat ay nakalaan para sa pagkawasak at pagkasira. Ganito ba ang nais nating kahinatnan? Malungkot na pagwawakas ito. Ganito ang pagwawakas na kinahihinatnan ng mga walang pananampalataya. Hindi ito pagpaparusa ng Diyos, kundi bunga ito ng kanilang mga pagpili o pagdedesisyon sa buhay.
Paano naman ang maligayang pamamaraan? Ang maligayang pamamaraan ay taglay naman ng mga taong tinatawag nating optimist. Para sa kanila may maganda pa ring kahihinatnan ang ating buhay at ang mundong ito sa kabila ng mga pagsubok at kahirapan. May magandang kapupuntahan ang mundong ito. May pag-asa pa ito. Ang lahat ng bagay ay hindi wawasakain ng Diyos bagkus ay lilikhain Niyang muli. Natitiyak kong ganito ang nais nating pagwawakas. Maligaya ang ganitong pagwawakas. Ganito ang pagwawakas ng mga may pananampalataya sa Diyos. Bunga din ito ng mga pagpili o pagdedesisyon sa buhay.
Para sa mga may pananampalataya sa Diyos, ang kanyang muling pagbabalik ay kakikitaan ng pag-asa. Sabi sa Aklat ni Propeta Jeremias, “Dumarating na ang araw na tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at sa Juda.” Para maging maligaya ang wakas kailangan nating sundin ang paalala ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica, pag-alabin at palaguin ang ating pag-ibig sa isa’t isa. Kapag nangyari ito, palalakasin niya ang ating loob at mananatili tayong banal at walang kapintasan sa kanyang harapan. Isa pang payo ang ibinibigay ni San Pablo, pagbutihin ang ating pamumuhay ayon sa ating natutuhan para tayo’y maging kalugud-lugod sa Diyos.
Ang Banal na Eukaristiya ang buhay na tanda ng masayang wakas ng mga sumasampalataya sa Diyos. Tuwing dudulog tayo rito tayo ay pinaaalalahanan na maging maligaya tayong mga anak ng Diyos. Subalit sa banda huling nasa atin pa rin pagpapasya. Magiging maligaya ba tayo o maligalig? Sana piliin nating maging maligaya.