Saturday, November 10, 2012

MAGBIGAY NANG TUNAY


Magbigay Nang Tunay
(Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon)

Lutang na lutang ang mga karakter ng mga babaeng balo sa mga Pagbasa natin ngayong Linggo. Sa Unang Pagbasa ay natunghayan natin ang babaeng balo na sa kabila ng kanyang kawalan ay hindi nag-atubili na pakainin si Elias kahit na ang natitira nilang pagkain sapat lamang para sa kanya at sa kanyang anak.  Ang babaeng balo naman sa Ebanghelyo ay hindi rin nagdalawang isip na ialay ang kanyang dalawang kusing na katumbas ng isang pera, kumakatawan ito sa lahat-lahat ng mayroon sa kanya. Ang mga karakter na ito ang nagsisilbing huwaran natin sa totoong diwa ng pagbibigay.
Lahat tayo ay nakaranas nang magbigay sa iba’t ibang pamamaraan. Pero nakapagbigay na ba talaga tayo nang ganap? Lubos kaya ang pagbibigay natin? Ano ba ang tunay na pagbibigay o lubos na pagbibigay?
Una, ang lubos na pagbibigay ay pagbibigay ng walang hinihintay na anumang katumbas na kapalit. Nagbibigay tayo hindi dahil sa naghihintay tayo ng anumang balik sa atin katulad ng papuri, pasasalamat o pagkilala. Hindi pa tayo lubos ng nagbibigay kapag ang motibasyon natin sa pagbibigay ay para makilala o mapasalamatan. Sa panahon ng halalan maraming magbibigay ng kung anu-ano sa mga tao. Ano kaya ang pangunahing dahilan? Baka para makilala, sumikat at matandaan ang pangalan! Hindi ganoon ang tunay na pagbibigay. Minsan ay may isang taxi driver na nakakita ng diamond ring sa kanyang taxi.. Bumalik siya sa lugar na huling hinintuan niya para matunton ang babaeng sakay niya. Makalipas ang dalawang oras natagpuan niya ang babaeng may-ari ng singsing. Kinuha ng babae ang singsing nang hindi man lang nagpasalamat. Tinanong ang taxi driver sa kanyang reaksiyon at sabi niya, “Okay lang sa akin. Hinanap ko ang babae at isinauli ang singsing hindi para sa anumang pabuya o kaya’y pasasalamat. Ginawa ko iyon dahil alam kong iyon ang tamang gawin.” Sana magbigay tayo o gumawa ng mabuti dahil alam nating iyon ang tamang gawin at hindi para sa pabuya at pasasalamat. Ganito ang magbigay nang lubos.
Ikalawa, ang magbigay nang lubos ay magbigay ng mahalaga sa atin, hindi ang sobra o hindi na natin kailangan. Karaniwan nagpapamigay tayo ng mga bagay na hindi na natin kailangan at ingat na ingat tayo sa mga bagay na gustong-gusto natin o mahalaga sa atin. Hirap tayong pakawalan ang mga ito, hindi ba? Ni ayaw nga ating masira o kaya gamitin ng iba ang mga ito. May mga nagpapamigay naman ng mga bagay na hindi na nila mapapakinabangan, sira na, o kaya naman kapag damit ay wala na sa uso; kung pagkain naman ay baka yung malapit nang masira. Hindi ganito ang tunay na pagbibigay. Hindi ganito ang pagbibigay nang lubos. Ang tawag doon ay karamutan o kaya ay paglillinis ng aparador o refrigerator! Maaatim ba nating ibigay sa kapwa ang pagkaing hindi na makakain o mga damit na hindi naman na puwedeng isuot? Ang pagbibigay nang lubos ay pagbabahagi sa kapwa hindi ng mga sobra natin o ayaw na natin, kundi pagbibigay o pagbabahagi ng mahalaga para sa atin. Maraming gustong maglingkod pero kung may extra oras lamang. May mga nagbibigay pero mga kulimagmag o dunggot lamang ng kanilang yaman. Ang tunay na pagbibigay ay pagbibigay hanggang tayo’y nasasaktan o nahihirapan.
Si Hesus ang halimbawa natin sa pagbibigay nang lubos. Buong buhay niya ang inialay niya para sa atin. May hihigit pa kaya sa pagbibigay ng ginawa ni Hesus? Nagbigay siya hindi para sa anumang pabuya o kabayaran. Noong nagbigay siya, siya pa nga ang nagbayad para sa atin. Buhay niya ang kanyang ibinayad sapagkat kailanman hindi tayo makakabayad sa laki ng utang natin sa Diyos. Nang magbigay si Hesus hindi Niya inisip ang kanyang kapakanan. Napahamak nga siya noong mag-alay para sa atin. Hindi rin siya nagbigay ng hindi na niya kailangan o sobrang lang sa kanya. Lahat-lahat ibinigay niya. Hindi na siya nagtira para sa sarili para tayong mga salat ay magkaroon. Ito ang tunay na pagbibigay. Ito ang pagbibigay nang lubos.
Ang Eukaristiya ang patunay ng lubos na pagbibigay ni Hesus. Muli’t muli sa Eukaristiya ay nagbibigay si Hesus nang lubos. Maturuan nawa tayo ng ating tinatanggap ng tunay na pagbibigay. Alisin nawa nito sa ating mga puso ang anumang pag-iimbot at pagka-makasarili.