Sunday, July 12, 2015

Hindi Pribilehiyo at Kapangyarihan

Hindi Pribilehiyo at Kapangyarihan
(Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon-B)

Sabi sa pelikulang Spider man , “Great power comes with great responsibility.” Totoo ito dahil anumang bigay na kapanyarihan ay may kasamang responsiblidad, at nakalaan lagi ito para sa kabutihan ng ibang tao, at hindi lang ito para sa inatasan o sa kanyang pamilya , mga kakampi o kakaibigan. Nawawalan ito ng silbi kapag ginagamit sa pansariling kapakanan.  
Ngayong Linggo natunghayn natin sa Ebahelyo ang pagbibigay ng atas ni Hesus sa mga alagad para mangaral na Mabuting Balita, magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo. Hindi pangkaraniwang kapangyarihan ang ibinigay ni Hesus sa kanila, sapagkat sa pangalan ni Hesus ang mga maysakit ay gumagaling at takot na umaalis ang mga demonyo, at ang ipinapangaral nila ay Salita ng Diyos na naghahatid ng kaligtasan. Sa dinadami-dami ng mga puwedeng piliin sila pa na mga simpleng mangingisda ang pinili ni Hesus. Matapos sabihin ni Hesus ang kanilang misyon pinagbilinan Niya sila na huwag magdala ng anuman maliban sa tungkod. Gusto ba ni Hesus na magmukha silang kaawa-awa, marumi at parang pinabayaan? Tiyak hindi ganoon ang dahilan ni Hesus kung bakit ganoon ang bilin Niya. Hindi na nga biro ang tungkulin na bigay Niya sa kanila marami pa silang dapat na talikuran. Gusto kasi ni Hesus wala na silang ibang aasahan kundi ang kabutihang loob ng Diyos.
Sa pananaw ng mundo kapag may malaking kapangyarihan ay malaki at marami rin ang pribilehiyo; parang nagbibigay ito ng lisensiya para magkamal o magpasasa sa maraming bagay. Ganoon ang kalakaran ng mundo. Naalala ko minsan noong batang pari pa ako may nagbiro sa nanay ko ng ganito: “E hindi na kayo maghihirap ngayon, magbibilang ka na lang ng pera.” Kahit biro ito hindi ako natuwa nang marinig ko. Sa loob-loob ko,  “Ganyan ba ang tingi ninyo sa paglilingkod ang magkapera?” Ito rin ang nilinaw ni Amos nang pagbingtangan siya ni Amasias na bulaang propeta. Madiin niyang sinabi na hindi siya propeta at hindi niya hanapbuhay iyon. Malinaw sa kanya na lingkod siya ng Diyos na inutusang magsalita sa mga taga-Israel.
Ganoon ang bilin ni Hesus sa mga alagad dahil ayaw Niyang isipin nila na maraming pribilehiyo ang naghihintay sa kanila,  at gusto rin naman niyang linawin sa kanila na hindi Niya sila pababayaan dahil ang Diyos mismo ang magbibigay sa lahat ng kanilang pangangailangan. At totoo nga na mas marami ang tumanggap sa kanila kaysa hindi, pinakain at pinatuloy sila ng mga tao. Hindi talaga pababayaan ng Diyos ang mga lingkod Niya na marunong magtiwala sa sa Kanya.
Lahat tayo ay inaatasan ng Panginoon sa iba’t ibang paraan- bilang pari, may pamilya, linkod simbahan o sa pamahalaan man. Ang mga katayuan natin sa buhay ngayon ay may kasama ring responsibilidad at mga hamon. Sana hindi lang pribilehiyo ang isipin natin. Kapag pinaghusay natin ang ating mga gawain ang Diyos rin mismo ang magpapala sa atin. Pakatandaan natin na hindi  nagpapabaya ang Diyos sa Kanyang mga tinatawag.
Ngayong malapit na naman ang eleksiyon marami naman tayong maririnig na gustong maglingkod. Salamat kung talagang paglilingkod nga ang hangad. Marami naman talagang malinis ang intensiyon pero hindi naman din maikakaila na mayroong din pansariling interest lang ang habol- ang tingin sa posisyon ay hanapbuhay at hindi serbisyo sa mga tao! Madali namang alamin kung sino sila- sila ang mga kapit-tuko na sa posiyon dahil nasarapan na sa mga pribilehiyo, at nalasing na sa kapangyarihan.

Ayaw ni Hesus na masarapan sa pribilelehiyo at malasing sa kapangyarihan ang mga alagad kaya ganoon ang bilin Niya sa kanila, at ayaw din Niyang mangyari ito sa atin. Nais Niya ang asikasuhin natin ay paglilingkod nang may kapakumbabaan at pagtitiwala sa kabutihang loob ng Diyos. Serbisyo at malasakit ang mahalaga at hindi pribilehiyo at kapangyarihan.

Wednesday, June 24, 2015

Bakit Ka Natatakot?

(Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon)
Pangkaraiwang emosyon ng tao ang takot sa maraming bagay. May mga takot na nagmumula sa masamang karanasan. May mga takot sa hinaharap at gayundin sa kasalukuyan. Kapag hindi natin hinarap ang mga takot natin habang panahon tayong hahabulin ng mga ito at hindi tayo makakausad nang pasulong sa buhay dahil sa mga ito. Para tayong nagiging paralitiko dahil sa mga takot na ayaw nating resolbahin sa buhay.
Natakot din ang mga alagad nang abutan sila ng malakas na unos sa laot. Nasindak sila sa malalaking alon at malakas na hangin. Kaya dali-dali silang nagpunta kay Hesus na kasama nila sa bangka na ‘di naman alintana kung ano ang nangyayari sa kanila nang mga oras na iyon. Nakatuon ang pansin nila sa hangin at alon at hindi nila pansin si Hesus na kasama nila. Kaya sinabi sa kanila ni Hesus “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sa mga salita ito ni Hesus parang ipinahihiwatig Niya na wala ng puwang sa isang tao ang takot kung malaki ang pananalig Niya sa Diyos. Hindi tapang ang pantapat sa takot kundi pananalig sa Diyos na Siyang may hawak ng buhay natin.
May mga pagkakataong dumarating din sa ating ang mga unos ng buhay. May malalakas na hangin at malalaking alon din na humahampas sa atin na nagdudulot din sa atin ng takot at pangamba. Minsan nangyayari ang mga ito para subukin kung gaano katatag ang pananalig natin sa Diyos, at matapos malampasan ang mga ito mas nagiging malakas na ang loob natin sa pakikihamok sa buhay. Hindi madali kung minsan harapin ang mga ito, kaya nga may mga tao na parang gusto nang bumitiw o sumuko sa buhay. Minsan siguro dumaraan din tayo sa ganoon at nalalampasan naman natin sa tulong ng Diyos. Si Hesus dumaan din sa mga dagok ng buhay. Naranasan Niya at ng Kanyang pamilya kung paano maghikahos. Pinagdaanan din Niya ang pagbatikos at hindi pagtanggap ng mga tao. Sa Hardin ng Getsemane habang nananalangin naramdaman din Niya ang paghihirap ng kalooban kung aakuin o hindi ang paghihirap. Nalampasan Niya ang lahat ng ito hindi dahil sa Siya’y matapang kundi dahil sa lalim ng Kanyang ugnayan sa Kanyang Ama na minamahal Niya at pinagtitiwalaan Niya. Kaya sa pagharap sa mga bagyo natin sa buhay ang kailangan natin ay hindi lang tapang o lakas kundi higit sa lahat ang matibay na pananalig sa Diyos. Kung nagkukulang tayo sa pananalig hilingin natin kay Hesus na dagdagan ang ating pananalig, hindi ba’t ganoon din ang panalangin ng mga alagad ni Hesus?

Minsan may isang mayamang tao na mahilig sa basketball  kaya bumuo siya ng sarili niyang koponan at siya pa mismo ang nag-coach. Siya ang nagpagawa ng kanilang uniporme. Siya ang nagbibigay ng pagkain at inumin sa mga practice nila. Manalo man o matalo todo suporta siya sa kanila. Minsan ang isa sa mga manlalaro ay pinalitan at ang nakapalit ay palagi na lang nagrereklamo. Sinabi sa kanya ng mga dating manlalaro, “Huwag kang magreklamo. Hindi mo ba alam na lahat ng kailangan ng grupo ibinibigay ni coach? Manalo man o matalo pareho lang ang pakikitungo niya sa amin?” Kung minsan parang katulad din tayo ng manlalaro na mahilig magreklamo. Ibinibigay ng Diyos ang kailangan natin- ang buhay, mga talento, materyal na bagay. Ano pa kaya ang kulang sa atin? Baka mas malalim na pagtitiwala sa Diyos na Siyang may hawak sa buhay natin?

Monday, June 15, 2015

Mula sa Malilit at Simpleng Bagay

Mula sa Malilit at Simpleng Bagay
(Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon-B)

All great things start from small beginnings.” Lahat ng malalaki at dakila ay nagsisimula sa malilit at simpleng mga bagay.   Sinabi ito ni  Marcus Tullius Cicero, isang Romanong pilosoper at mambabatas, at may katotohanan naman sa sinabi niyang ito. Halos lahat ng mga taong dakila ngayon, mayaman at sikat ay nagsimula sa hamak na pamamaraan. Bihira siguro ang angat na agad sa simula pa lang. May mga sikat na artista na nagsimula lang muna sa pa-extra extra, o ang mga mayayamang nagmamay-ari ng malalaking kumpanya nagsimula lang muna sa maliit na puhunan hanggang sa lumaki nang lumaki. Si Pacquiao nagsimula lang din sa pagsali sa amateur boxing probinsiya nila. Batas ng kalikasan na magsimula muna sa simple o hamak na pamamaraan ang mga bagay-bagay. At dahil batas ito ng kalikasan hindi natin ito matatakasan.
Maging ang Kaharian ng Diyos ay nagsimula din sa hamak na pamamaraan. Ginamit ni Hesus ang larawan ng butil na mustasa na pinakamalit sa lahat ng binhi, na kapag itinamin at lumago ay nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay (Brassica nigra 8 to feet). Nagsimula nga ang pamayanang Kristiyano sa kakaunting bilang ng kasapi hanggang sa umabot sa halos 1.2 bilyon sa buong mundo. Hindi marangya ang simulain ng ating relihiyon. Maging si Hesus isa sa pinasikat na mangangaral sa buong mundi ay nagsimulang hamak: isinilang sa pamilya nina Maria at Jose na mga pobreng tao, walang pormal na pag-aaral, ang lugar na kinalakhan ay maliit at mahirap na bayan, sanay sa paghahanapbuhay at sa lahat ng hirap. Maging Siya na Anak ng Diyos ay nagsimula sa hamak at mahirap na pamamaraan.
Dahil dito, huwag tayong matakot na magsimula nang hamak o maliit. Magandang matutuhan din ito ng mga anak na nasanay na yata sa lahat ng luho at ginhawa sa buhay. Mainam ding masanay sila kung ano ang meron na kayang ibigay ng kanilang mga magulang at hindi lalampas dito. Ang taong sanaĆ½ sa hirap o kayang magsimula nang simple o hamak ay karaniwang nagtatagumpay at nagiging mas matibay sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay. Hindi sila lampa o takot na harapin ang buhay. Malaking biyaya din naman talaga na sa simula pa lang ay mayroon na o angat na sa maraming bagay, pero kailangan din namang matutuhan ang kapayakan ganoon din ang pagbabahagi sa kapwa na mas kawawa o nangangailangan.
Ang paglago sa buhay espirituwal ay nagsisimula din sa hamak at simpleng pamamaraan. Minsan nagsisimula ito sa simpleng paanyaya ng kapamilya o kaibigan na dumalo sa Banal Misa hanggang umabot sa malalim na pagmamahal kay Hesus sa Eukaristiya. Dati pasimba-simba lang muna noong malaunan ay mas naging aktibo na sa pananampalataya. Ang pagbabago ng tao ay unti-unti ring nangyayari at hindi biglaan. Nagsisimula din ito sa maliliit na bagay tulad ng unti-unting pag-iwas sa bisyo at iba pang masasamang gawain. Biyaya ng Diyos ang pagpapakabuti at pagpapakabanal ng tao, at nangyayari din ito sa mga simpleng pamamaraan na kung minsan ay halos hindi napapansin.
Maging ang bokasyon sa pagpapari ay nagsisimula din simpleng pamamaraan. Maaaring magsimula ito sa maagang pagmumulat ng mga magulang sa kanilang mga anak sa pananampalataya. Maaaring umusbong ito dahil sa magandang ugnayan sa loob ng pamilya. Maaari din umusbong mula sa isang trahedya o malaking pagsubok sa buhay. Hindi talaga natin matatawaran ang pamamaraan ng Diyos. Kumikilos siya sa mga simple at hindi gaanong pansining bagay. Ganoon ang kanyang pamamaraan na dapat nating igalang at tularan.

Ano kaya ang mga simple at malilit na bagay sa buhay natin ngayon?  Tanggapin natin at palaguin ang mga ito. Huwag nating ikahiya ang mga ito dahil may kakayahang lumago ang mga ito. May mga binhi din ng kabutihan at kabanalan sa puso natin na itinanim ang Diyos. Palaguin natin at payabungin ang mga iyon at huwag nating hayaang mamamatay. Ang mga bunga noon ang regalo natin sa Diyos na nagtitiwala sa atin na kaya nating lumago mula sa malilit at simpleng bagay.      

Wednesday, June 10, 2015

Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Hesus- Corpus Christ

Sa Upper Room
(Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Hesus- Corpus Christi- B)

Noong nag-aaral pa ako sa seminaryo isang silid ang kakaiba sa lahat dahil tinatawag itong upper room. Hindi ko maintidihan noon kung bakit ganoon ang tawag sa silid na iyon. Dahil nasa itaas ito kaya upper room? Nasa itaas din naman ang kuwarto ng mga pari at seminarista, gayundin ang chapel. Ang alam ko lang noon ay kaya upper room iyon ay iyon ang kumidor o kainan ng mga pari at mas marasarap ang pagkain doon kumpara sa pagkain naming mga seminarista. Ngayong pari na ako at nakadestino na rin sa seminaryo bilang formator nakakapasok na ako doon sa upper room at doon kumakain. Mas naiintidihan ko na ngayon kung bakit ganoon ang tawag. Espesyal na lugar na iyon hindi lang dahil sa masarap na pagkain kundi doon nagaganap ang pag-uusap ng mga pari tungkol sa lagay ng paghuhubog ng mga bata at ibang mga personal na bagay. Sa madaling salita sagrado yun, tulad ng bawat silid kainan ng bawat tahanan kung saan nangyayari ang mga personal na bahaginan ng magkakapamilya.
Nandoon din si Hesus at ang mga alagad sa upper room nang ipagdiwang nila ang Hapunang Pampaskuwas. Doon naganap ang mas personal na tagpo ni Hesus at ng mga alagad nang ibigay ni Hesus sa kanila ang kanyang sarili bilang pagkain at inumin. Nagawa ito ni Hesus sa mga taong totoong malalapit sa kanya. Hindi masasabi ni Hesus na tanggapin  Siya bilang pagkain at inumin kung kanino lamang maliban sa mga taong malalapit sa Kanya.
Tuwing dumadalo tayo ng Banal na Misa natitipon din tayo sa upper room kasama si Hesus at ibinibigay din Niya sa atin ang Kanyang katawan at dugo bilang pagkain at inumin natin. Napakabanal ng mga sandali na natitipon tayo sa hapag ni Hesus kaya  pinaghahandaan natin ito- wala tayong kasalanang mortal, nakatuon ang isip natin sa pagdiriwang, nakabihis tayo nang angkop, dumarating tayo nang maaga, mataimtim tayong nakikiisa. Napaka-espesyal ng mga sandaling iyon dahil si Hesus mismo ang nangangaral sa atin sa pamamagitan ng Salita ng Diyos at nagpapalakas sa ating katawan at kaluluwa sa pamamagitan ng Kanyang Katawan at Dugo. Hindi lingid sa ating kaalaman minsan may mga kapwa Katoliko tayo na parang hindi lubos na naiintidihan ang pagdiriwang na ito. Dumarating sa Misa na madalas ay nahuhuli; habang nagmimisa ngumunguya pa; lumilipad ang isip habang nasa Simbahan; magkokomunyon kahit hindi naman nakahanda ang kalooban; hindi ninamnam ang mensahe at pagdating ng oras ng komunyon makikipila na rin tulad ng iba masabi lang na nakapagsimba sila. Dahil personal na pakikipagtapo kay Hesus ang Banal na Misa dapat lang na paghandaan natin ito at ituon natin ang buong isip at kalooban natin kapag dumadalo tayo. Hindi ordinaryong tao ang kaharap natin kundi si Hesus na nagmamahal sa atin.
Tuwing dumadalo tayo ng Banal na Misa natitipon din tayo sa upper room kasama si Hesus at hinahamon tayo na tularan ang ginawa Niyang pagbibigay ng sarili sa atin. Iyon ang malalim na kahulugan ng Banal na Eukaristiya. Nilubos ni Hesus ang pag-aalay ng sarili sa atin sa Krus at tuwing natitipon tayo sa hapag ng Eukaristiya inaalala natin ang ginawa ni Hesus para sa atin na dapat nating tularan. Sabi ng isang kasabihang Ingles, “You are what you eat.” Sa Eukaristiya ang tinatanggap natin ay walang iba kundi si Hesus. Nagiging Hesus din kaya tayo? Natutularan din kaya natin ang halimbawa ni Hesus? Ano kaya ang silbi ng ating pagtanggap kay Hesus kung hindi naman tayo binabago nito. Maraming tanggap nang tanggap kay Hesus pero hindi naman marunong magpatawad, makasarili at madamot pa rin sa maraming bagay. Taliwas ang mga ganitong pag-uugali sa tunay na diwa ng Banal na Eukaristiya. Hayaan nating unti-unti tayong baguhin ng kapangyarihan ng Banal na Eukaristiya.
Sa mga oras na ito natitipon tayo sa upper room kapiling si Hesus. Ibukas natin ang ating mga puso sa Kanya at hayaan natin palakasin Niya tayo ng Kanyang Katawan at Dugo. Pag-uwi natin pagkatapos ng Misa unti-unti nawa magkaroon ito ng bisa para baguhin tayo. Sa susunod na Linggo magkita-kita uli tayo dito sa upper room kasama si Hesus.  


Hindi naman pala masakit e. Hindi naman ako umiyak

Hindi naman pala masakit e. Hindi naman ako umiyak

(Linggo ng Pentekostes-B)

Maraming pamilyar sa atin sa isang tv commercial kung saan ipinapakita yung isang batang lalaki na lumalabas sa isang clinic na nakasalawal ng maluwang at hindi makalakad ng mabuti. Tama katatapos lang niyang magpatuli tulad ng maraming batang lalaki ngayong bakasyon. Nang lumapit ang tatay niya may pagmamalaki niyang sinabi: “Hindi naman masakit e. Hindi naman ako umiyak e.” Hinahangaan siya ng tatay niya sa kanyang tapang at lakas ng loob at sinabi, “Big boy ka na e.”
Kakaibang tapang at lakas ng loob din ang namayani sa mga alagad nang ipagkaloob sa kanila ni Hesus ang Espiritu Santo. Kung dati sila ay takot nag-aalingan, naging mas agresibo sila nang hingahan sila ni Hesus; mas naging handa sila para harapin ang mga hamon ng misyon tulad ng mga pagbatikos, pagtugis sa kanila, pangungutya at paghatol. ’Di na nila alintana ang mga ganoon hirap dahil mas pinalakas at pinatatag na sila ng Espiritu Santo.
Pinalakas at pinatatag na sila ng Espiritu Santo upang magpatawad. Matapos silang hingahan ni Hesus at pagkalooban ng Espiritu Santo binigyan Niya sila ng kapangyarihang upang magpatawad. Napawi na rin sa mga puso nila ang guilt feelings na epekto ng pag-iwan nila kay Hesus. Marahil ibinigay ni Hesus ang ganitong kapangyarihan dahil gusto Niya na ang mga alagad ay maging tapagpahatid ng pagpapatawad at hindi ng pagkapoot o pagkamuhi. Paano nga naman sila (ang mga alagad) magiging kapani-paniwala kung ang naghahari sa kanilang puso ay hindi awa at habag kundi galit at sama ng loob.
Pinalakas at pinatatag na sila ng Espiritu Santo upang maglingkod. Ang Espiritu Santo ang pinagmumulan ng iba’t ibang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lang ang Panginoong pinaglilingkuran. Sa tulong ng Espiritu Santo mas naging agresibo ang mga alagad para tumupad sa iba’t ibang tungkulin. Hindi sila tutulog-tulog o papatay-patay sa mga gawain. Ang Espiritu Santo ang nagbigay lakas at sigla sa kanila para humayo at gawin ang ipinagagawa sa kanila ng Panginoon. Wala ng puwang sa kanila ang pagiging matamlay dahil sa Espiritu Santo na kaloob sa kanila ni Hesus.
Pinalakas at pinatatag na sila ng Espiritu Santo upang magpahayag. Nang lumapag sa kanila ang parang dilang apoy  napuspos sila ng Espiritu Santo at nakapagsalita sila ng iba’t ibang wika ayon sa ipinagkaloob sa kanila. Gagamitin nila ang ganitong kapangyarihan upang makapagpahayag sila ng kadakilaan ng Diyos sa iba’t ibang dako.
Ibang klase na ang mga alagad nang pagkalooban sila ni Hesus ng Espiritu Santo; mas handa at matatag na sila. May bago na silang lakas, tatag at pananaw sa buhay kaya kahit anumang hirap o pagsubok sa kanila sasabihin din nila, “Hindi naman masakit e. Hindi nanman ako umiyak.” Hindi dahil sa mayabang sila kundi dahil damang-damang nila kung paano sila inalalayan at tinulungan ng Espiritu Santo.
Tinanggap na natin ang Espiritu Santo noong bininyagan at kinumpilan tayo kaya natanggap na rin natin ang pagpapalakas at pagpapatatag ng Espiritu Santo. Gayunpaman, kailangan parin nating mapalakas at mapatatag muli’t muli dahil iba-ibang ang pinagdadaanan natin sa buhay. Paminsan-minsan dumadaan tayo sa mga nakapanghihina at nakapanlulumong karanasan sa buhay; may kaugnayan sa buhay pamilya, propesyon, hanapbuhay, relasyon sa kapwa tao, o kaya naman sa ating kalusugan. Kailangan natin muling ibukas ang puso natin kay Hesus para tanggapin ang Kanyang Espiritu na siyang magpapalakas at magpapatag sa atin. Muli nating buksan ang puso natin kay Hesus para tanggapin ang nagpapalakas at nagpapatag Niyang pag-ibig nang sa gayon masabi din natin, “Hindi naman pala masakit e. Hindi naman ako umiyak.”


Dakilang Kapisthan ng Pag-akyat ni Hesus sa Langit

(Dakilang Kapisthan ng Pag-akyat ni Hesus sa Langit-B)

Isang araw tatlong bata ang nakita ng pari na naglalaro sa may patio ng simbahan at nakatauwaan niyang tanungin ng ganito, “Gusto n’yo bang makapunta sa langit?” Masiglang sumagot ng oo ang dalawang bata subalit nagtaka ang pari bakit hindi sumagot ang isa. Kaya tinatanong siya uli ng pari, “Gusto mo bang makapunta sa langit?” “Ayoko po”, sagot ng bata. “Ha, ayaw mong makapunta sa langit kapag namatay ka?” “Gusto ko po”, mabilis na sagot ng bata. “Akala, ko po kasi ngayon na!”
Bunsod ng pananalig sa Diyos at sa buhay na walang hanggan alam nating may langit na siyang patutunguhan natin pagdating ng panahon. Malinaw sa atin na hindi dito sa mundo ang talagang bayan natin; pansamantala lamang tayo dito at naglalakbay tayo patungong langit. Ang langit kung saan naroon si Hesus ngayon ay siya ring patutunguhan natin kapag natapos na ang buhay natin dito sa lupa.
Natapos na ang pag-iral ni Hesus dito sa lupa kaya kailangan na Niyang umakyat sa langit; nagampananan na Niya ang lahat ng iniatas sa Kanya ng Ama. Mission accomplished  na siya kaya pagkakataon na ng Kanyang mga alagad para sila naman ang humayo at mangaral. Kaya ang pag-akyat ni Hesus sa langit ay hudyat ng pagtatapos at bagong simula- pagtatapos ng kanyang misyon sa lupa at simula ng misyon ng mga alagad Niya at kasama tayong lahat doon. Hanggang sa huling sandali, bago Siya umakyat sa langit ay walang ibang nasa isip si Hesus kundi ang kaligtasan ng tao; wala Siyang nasa isip kundi ang kabutihan nating lahat. Nais Niya na sa paglisan Niya ay maipagpatuloy ang lahat ng Kanyang nasimulan at magbunga ng kaligtasan para sa lahat ng sumasampalataya. Kasama tayong lahat sa mga inaatasan ni Hesus na humayo at mangaral ng Mabuting Balita at may kanyan-kanyang papel tayo para magampanan ito.
Marahil iniisip natin na kailangang magaling tayong magsalita para makapangaral ng Mabuting Balita. Totoong kailangan ito, pero hindi naman laging sa pamamagitan lang ng salita ang pangangaral. Magagawa din ito sa pamamagitan ng mabuting pakikipag-kapwa, sa pagkakawang-gawa, sa pamamagitan ng matuwid at banal nating pamumuhay. Higit pa sa salita ang ganitong paraan ng pangangaral ng Mabuting Balita. Sabi nga ni St. Francis de Sales, “Preach the Good News. Use words if necessary.” Ano nga naman ang kapangyarihan ng salitang walang laman? Ayon kay Santiago, “Patay ang pananampalatayang hindi nakikita sa gawa” Ang pagtuturo ng mga magulang sa mga anak ng kabutihang asal ay paraan ng pangangaral ng Mabuting Balita. Ang isang lingkod bayan na matapat at may takot sa Diyos sa pagtupad ng kanyang tungkulin ay nangangaral ng Mabuting Balita. Ang isang lingkod simbahan na mababang loob sa loob at labas ng simbahan ay nangangaral ng Mabuting Balita. Ang isang tao kahit hindi magsalita basta matuwid at banal ang pamumuhay ay nangangaral ng Mabuting Balita; ang kanyang buhay ay konkretong aral sa lahat ng mga nakakakita nito.
Tiyak gusto nating lahat na makapunta sa langit na tinunguhan ni Hesus. Naroon na nga Siya at hinihintay tayo. Subalit habang nandito tayo sa lupa ipagpapatuloy natin ang lahat ng Kanyang nasimulan; ipagpapatuloy natin ang pangangaral ng Mabuting Balita. Sino ang uunahin mong pangaralan ng Mabuting Balita? Saan mo gustong dalhin ang Mabuting Balita na narinig mo? Kapag tinupad natin ang atas ni Hesus na mangaral ng Mabubuting Balita ipinagpapatuloy natin ang kuwento ni Hesus at ito ang maghahatid sa atin sa langit.
Noong umakyat si Hesus sa langit wala siyang iniwan na anumang larawan Niya. Hindi sa ayaw Niyang maalala natin Siya, kundi nais Niya na tayo ang Kanyang maging mukha sa mundo. Tayo ang kanyang kamay at paa, bibig, mata at tainga. Ano kayang mukha ni Hesus ang ipinakikita natin sa pamamagitan ng ating pamumuhay?