Sa Upper Room
(Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Hesus- Corpus Christi- B)
Noong nag-aaral pa ako sa seminaryo isang silid ang kakaiba sa lahat dahil tinatawag itong upper room. Hindi ko maintidihan noon kung bakit ganoon ang tawag sa silid na iyon. Dahil nasa itaas ito kaya upper room? Nasa itaas din naman ang kuwarto ng mga pari at seminarista, gayundin ang chapel. Ang alam ko lang noon ay kaya upper room iyon ay iyon ang kumidor o kainan ng mga pari at mas marasarap ang pagkain doon kumpara sa pagkain naming mga seminarista. Ngayong pari na ako at nakadestino na rin sa seminaryo bilang formator nakakapasok na ako doon sa upper room at doon kumakain. Mas naiintidihan ko na ngayon kung bakit ganoon ang tawag. Espesyal na lugar na iyon hindi lang dahil sa masarap na pagkain kundi doon nagaganap ang pag-uusap ng mga pari tungkol sa lagay ng paghuhubog ng mga bata at ibang mga personal na bagay. Sa madaling salita sagrado yun, tulad ng bawat silid kainan ng bawat tahanan kung saan nangyayari ang mga personal na bahaginan ng magkakapamilya.
Nandoon din si Hesus at ang mga alagad sa upper room nang ipagdiwang nila ang Hapunang Pampaskuwas. Doon naganap ang mas personal na tagpo ni Hesus at ng mga alagad nang ibigay ni Hesus sa kanila ang kanyang sarili bilang pagkain at inumin. Nagawa ito ni Hesus sa mga taong totoong malalapit sa kanya. Hindi masasabi ni Hesus na tanggapin Siya bilang pagkain at inumin kung kanino lamang maliban sa mga taong malalapit sa Kanya.
Tuwing dumadalo tayo ng Banal na Misa natitipon din tayo sa upper room kasama si Hesus at ibinibigay din Niya sa atin ang Kanyang katawan at dugo bilang pagkain at inumin natin. Napakabanal ng mga sandali na natitipon tayo sa hapag ni Hesus kaya pinaghahandaan natin ito- wala tayong kasalanang mortal, nakatuon ang isip natin sa pagdiriwang, nakabihis tayo nang angkop, dumarating tayo nang maaga, mataimtim tayong nakikiisa. Napaka-espesyal ng mga sandaling iyon dahil si Hesus mismo ang nangangaral sa atin sa pamamagitan ng Salita ng Diyos at nagpapalakas sa ating katawan at kaluluwa sa pamamagitan ng Kanyang Katawan at Dugo. Hindi lingid sa ating kaalaman minsan may mga kapwa Katoliko tayo na parang hindi lubos na naiintidihan ang pagdiriwang na ito. Dumarating sa Misa na madalas ay nahuhuli; habang nagmimisa ngumunguya pa; lumilipad ang isip habang nasa Simbahan; magkokomunyon kahit hindi naman nakahanda ang kalooban; hindi ninamnam ang mensahe at pagdating ng oras ng komunyon makikipila na rin tulad ng iba masabi lang na nakapagsimba sila. Dahil personal na pakikipagtapo kay Hesus ang Banal na Misa dapat lang na paghandaan natin ito at ituon natin ang buong isip at kalooban natin kapag dumadalo tayo. Hindi ordinaryong tao ang kaharap natin kundi si Hesus na nagmamahal sa atin.
Tuwing dumadalo tayo ng Banal na Misa natitipon din tayo sa upper room kasama si Hesus at hinahamon tayo na tularan ang ginawa Niyang pagbibigay ng sarili sa atin. Iyon ang malalim na kahulugan ng Banal na Eukaristiya. Nilubos ni Hesus ang pag-aalay ng sarili sa atin sa Krus at tuwing natitipon tayo sa hapag ng Eukaristiya inaalala natin ang ginawa ni Hesus para sa atin na dapat nating tularan. Sabi ng isang kasabihang Ingles, “You are what you eat.” Sa Eukaristiya ang tinatanggap natin ay walang iba kundi si Hesus. Nagiging Hesus din kaya tayo? Natutularan din kaya natin ang halimbawa ni Hesus? Ano kaya ang silbi ng ating pagtanggap kay Hesus kung hindi naman tayo binabago nito. Maraming tanggap nang tanggap kay Hesus pero hindi naman marunong magpatawad, makasarili at madamot pa rin sa maraming bagay. Taliwas ang mga ganitong pag-uugali sa tunay na diwa ng Banal na Eukaristiya. Hayaan nating unti-unti tayong baguhin ng kapangyarihan ng Banal na Eukaristiya.
Sa mga oras na ito natitipon tayo sa upper room kapiling si Hesus. Ibukas natin ang ating mga puso sa Kanya at hayaan natin palakasin Niya tayo ng Kanyang Katawan at Dugo. Pag-uwi natin pagkatapos ng Misa unti-unti nawa magkaroon ito ng bisa para baguhin tayo. Sa susunod na Linggo magkita-kita uli tayo dito sa upper room kasama si Hesus.