Hindi naman pala masakit e. Hindi naman ako umiyak
(Linggo ng Pentekostes-B)
Maraming pamilyar sa atin sa isang tv commercial kung saan ipinapakita yung isang batang lalaki na lumalabas sa isang clinic na nakasalawal ng maluwang at hindi makalakad ng mabuti. Tama katatapos lang niyang magpatuli tulad ng maraming batang lalaki ngayong bakasyon. Nang lumapit ang tatay niya may pagmamalaki niyang sinabi: “Hindi naman masakit e. Hindi naman ako umiyak e.” Hinahangaan siya ng tatay niya sa kanyang tapang at lakas ng loob at sinabi, “Big boy ka na e.”
Kakaibang tapang at lakas ng loob din ang namayani sa mga alagad nang ipagkaloob sa kanila ni Hesus ang Espiritu Santo. Kung dati sila ay takot nag-aalingan, naging mas agresibo sila nang hingahan sila ni Hesus; mas naging handa sila para harapin ang mga hamon ng misyon tulad ng mga pagbatikos, pagtugis sa kanila, pangungutya at paghatol. ’Di na nila alintana ang mga ganoon hirap dahil mas pinalakas at pinatatag na sila ng Espiritu Santo.
Pinalakas at pinatatag na sila ng Espiritu Santo upang magpatawad. Matapos silang hingahan ni Hesus at pagkalooban ng Espiritu Santo binigyan Niya sila ng kapangyarihang upang magpatawad. Napawi na rin sa mga puso nila ang guilt feelings na epekto ng pag-iwan nila kay Hesus. Marahil ibinigay ni Hesus ang ganitong kapangyarihan dahil gusto Niya na ang mga alagad ay maging tapagpahatid ng pagpapatawad at hindi ng pagkapoot o pagkamuhi. Paano nga naman sila (ang mga alagad) magiging kapani-paniwala kung ang naghahari sa kanilang puso ay hindi awa at habag kundi galit at sama ng loob.
Pinalakas at pinatatag na sila ng Espiritu Santo upang maglingkod. Ang Espiritu Santo ang pinagmumulan ng iba’t ibang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lang ang Panginoong pinaglilingkuran. Sa tulong ng Espiritu Santo mas naging agresibo ang mga alagad para tumupad sa iba’t ibang tungkulin. Hindi sila tutulog-tulog o papatay-patay sa mga gawain. Ang Espiritu Santo ang nagbigay lakas at sigla sa kanila para humayo at gawin ang ipinagagawa sa kanila ng Panginoon. Wala ng puwang sa kanila ang pagiging matamlay dahil sa Espiritu Santo na kaloob sa kanila ni Hesus.
Pinalakas at pinatatag na sila ng Espiritu Santo upang magpahayag. Nang lumapag sa kanila ang parang dilang apoy napuspos sila ng Espiritu Santo at nakapagsalita sila ng iba’t ibang wika ayon sa ipinagkaloob sa kanila. Gagamitin nila ang ganitong kapangyarihan upang makapagpahayag sila ng kadakilaan ng Diyos sa iba’t ibang dako.
Ibang klase na ang mga alagad nang pagkalooban sila ni Hesus ng Espiritu Santo; mas handa at matatag na sila. May bago na silang lakas, tatag at pananaw sa buhay kaya kahit anumang hirap o pagsubok sa kanila sasabihin din nila, “Hindi naman masakit e. Hindi nanman ako umiyak.” Hindi dahil sa mayabang sila kundi dahil damang-damang nila kung paano sila inalalayan at tinulungan ng Espiritu Santo.
Tinanggap na natin ang Espiritu Santo noong bininyagan at kinumpilan tayo kaya natanggap na rin natin ang pagpapalakas at pagpapatatag ng Espiritu Santo. Gayunpaman, kailangan parin nating mapalakas at mapatatag muli’t muli dahil iba-ibang ang pinagdadaanan natin sa buhay. Paminsan-minsan dumadaan tayo sa mga nakapanghihina at nakapanlulumong karanasan sa buhay; may kaugnayan sa buhay pamilya, propesyon, hanapbuhay, relasyon sa kapwa tao, o kaya naman sa ating kalusugan. Kailangan natin muling ibukas ang puso natin kay Hesus para tanggapin ang Kanyang Espiritu na siyang magpapalakas at magpapatag sa atin. Muli nating buksan ang puso natin kay Hesus para tanggapin ang nagpapalakas at nagpapatag Niyang pag-ibig nang sa gayon masabi din natin, “Hindi naman pala masakit e. Hindi naman ako umiyak.”