(Dakilang Kapisthan ng Pag-akyat ni Hesus sa Langit-B)
Isang araw tatlong bata ang nakita ng pari na naglalaro sa may patio ng simbahan at nakatauwaan niyang tanungin ng ganito, “Gusto n’yo bang makapunta sa langit?” Masiglang sumagot ng oo ang dalawang bata subalit nagtaka ang pari bakit hindi sumagot ang isa. Kaya tinatanong siya uli ng pari, “Gusto mo bang makapunta sa langit?” “Ayoko po”, sagot ng bata. “Ha, ayaw mong makapunta sa langit kapag namatay ka?” “Gusto ko po”, mabilis na sagot ng bata. “Akala, ko po kasi ngayon na!”
Bunsod ng pananalig sa Diyos at sa buhay na walang hanggan alam nating may langit na siyang patutunguhan natin pagdating ng panahon. Malinaw sa atin na hindi dito sa mundo ang talagang bayan natin; pansamantala lamang tayo dito at naglalakbay tayo patungong langit. Ang langit kung saan naroon si Hesus ngayon ay siya ring patutunguhan natin kapag natapos na ang buhay natin dito sa lupa.
Natapos na ang pag-iral ni Hesus dito sa lupa kaya kailangan na Niyang umakyat sa langit; nagampananan na Niya ang lahat ng iniatas sa Kanya ng Ama. Mission accomplished na siya kaya pagkakataon na ng Kanyang mga alagad para sila naman ang humayo at mangaral. Kaya ang pag-akyat ni Hesus sa langit ay hudyat ng pagtatapos at bagong simula- pagtatapos ng kanyang misyon sa lupa at simula ng misyon ng mga alagad Niya at kasama tayong lahat doon. Hanggang sa huling sandali, bago Siya umakyat sa langit ay walang ibang nasa isip si Hesus kundi ang kaligtasan ng tao; wala Siyang nasa isip kundi ang kabutihan nating lahat. Nais Niya na sa paglisan Niya ay maipagpatuloy ang lahat ng Kanyang nasimulan at magbunga ng kaligtasan para sa lahat ng sumasampalataya. Kasama tayong lahat sa mga inaatasan ni Hesus na humayo at mangaral ng Mabuting Balita at may kanyan-kanyang papel tayo para magampanan ito.
Marahil iniisip natin na kailangang magaling tayong magsalita para makapangaral ng Mabuting Balita. Totoong kailangan ito, pero hindi naman laging sa pamamagitan lang ng salita ang pangangaral. Magagawa din ito sa pamamagitan ng mabuting pakikipag-kapwa, sa pagkakawang-gawa, sa pamamagitan ng matuwid at banal nating pamumuhay. Higit pa sa salita ang ganitong paraan ng pangangaral ng Mabuting Balita. Sabi nga ni St. Francis de Sales, “Preach the Good News. Use words if necessary.” Ano nga naman ang kapangyarihan ng salitang walang laman? Ayon kay Santiago, “Patay ang pananampalatayang hindi nakikita sa gawa” Ang pagtuturo ng mga magulang sa mga anak ng kabutihang asal ay paraan ng pangangaral ng Mabuting Balita. Ang isang lingkod bayan na matapat at may takot sa Diyos sa pagtupad ng kanyang tungkulin ay nangangaral ng Mabuting Balita. Ang isang lingkod simbahan na mababang loob sa loob at labas ng simbahan ay nangangaral ng Mabuting Balita. Ang isang tao kahit hindi magsalita basta matuwid at banal ang pamumuhay ay nangangaral ng Mabuting Balita; ang kanyang buhay ay konkretong aral sa lahat ng mga nakakakita nito.
Tiyak gusto nating lahat na makapunta sa langit na tinunguhan ni Hesus. Naroon na nga Siya at hinihintay tayo. Subalit habang nandito tayo sa lupa ipagpapatuloy natin ang lahat ng Kanyang nasimulan; ipagpapatuloy natin ang pangangaral ng Mabuting Balita. Sino ang uunahin mong pangaralan ng Mabuting Balita? Saan mo gustong dalhin ang Mabuting Balita na narinig mo? Kapag tinupad natin ang atas ni Hesus na mangaral ng Mabubuting Balita ipinagpapatuloy natin ang kuwento ni Hesus at ito ang maghahatid sa atin sa langit.
Noong umakyat si Hesus sa langit wala siyang iniwan na anumang larawan Niya. Hindi sa ayaw Niyang maalala natin Siya, kundi nais Niya na tayo ang Kanyang maging mukha sa mundo. Tayo ang kanyang kamay at paa, bibig, mata at tainga. Ano kayang mukha ni Hesus ang ipinakikita natin sa pamamagitan ng ating pamumuhay?