Mula sa Malilit at Simpleng Bagay
(Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon-B)
“All great things start from small beginnings.” Lahat ng malalaki at dakila ay nagsisimula sa malilit at simpleng mga bagay. Sinabi ito ni Marcus Tullius Cicero, isang Romanong pilosoper at mambabatas, at may katotohanan naman sa sinabi niyang ito. Halos lahat ng mga taong dakila ngayon, mayaman at sikat ay nagsimula sa hamak na pamamaraan. Bihira siguro ang angat na agad sa simula pa lang. May mga sikat na artista na nagsimula lang muna sa pa-extra extra, o ang mga mayayamang nagmamay-ari ng malalaking kumpanya nagsimula lang muna sa maliit na puhunan hanggang sa lumaki nang lumaki. Si Pacquiao nagsimula lang din sa pagsali sa amateur boxing probinsiya nila. Batas ng kalikasan na magsimula muna sa simple o hamak na pamamaraan ang mga bagay-bagay. At dahil batas ito ng kalikasan hindi natin ito matatakasan.
Maging ang Kaharian ng Diyos ay nagsimula din sa hamak na pamamaraan. Ginamit ni Hesus ang larawan ng butil na mustasa na pinakamalit sa lahat ng binhi, na kapag itinamin at lumago ay nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay (Brassica nigra 8 to feet). Nagsimula nga ang pamayanang Kristiyano sa kakaunting bilang ng kasapi hanggang sa umabot sa halos 1.2 bilyon sa buong mundo. Hindi marangya ang simulain ng ating relihiyon. Maging si Hesus isa sa pinasikat na mangangaral sa buong mundi ay nagsimulang hamak: isinilang sa pamilya nina Maria at Jose na mga pobreng tao, walang pormal na pag-aaral, ang lugar na kinalakhan ay maliit at mahirap na bayan, sanay sa paghahanapbuhay at sa lahat ng hirap. Maging Siya na Anak ng Diyos ay nagsimula sa hamak at mahirap na pamamaraan.
Dahil dito, huwag tayong matakot na magsimula nang hamak o maliit. Magandang matutuhan din ito ng mga anak na nasanay na yata sa lahat ng luho at ginhawa sa buhay. Mainam ding masanay sila kung ano ang meron na kayang ibigay ng kanilang mga magulang at hindi lalampas dito. Ang taong sanaý sa hirap o kayang magsimula nang simple o hamak ay karaniwang nagtatagumpay at nagiging mas matibay sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay. Hindi sila lampa o takot na harapin ang buhay. Malaking biyaya din naman talaga na sa simula pa lang ay mayroon na o angat na sa maraming bagay, pero kailangan din namang matutuhan ang kapayakan ganoon din ang pagbabahagi sa kapwa na mas kawawa o nangangailangan.
Ang paglago sa buhay espirituwal ay nagsisimula din sa hamak at simpleng pamamaraan. Minsan nagsisimula ito sa simpleng paanyaya ng kapamilya o kaibigan na dumalo sa Banal Misa hanggang umabot sa malalim na pagmamahal kay Hesus sa Eukaristiya. Dati pasimba-simba lang muna noong malaunan ay mas naging aktibo na sa pananampalataya. Ang pagbabago ng tao ay unti-unti ring nangyayari at hindi biglaan. Nagsisimula din ito sa maliliit na bagay tulad ng unti-unting pag-iwas sa bisyo at iba pang masasamang gawain. Biyaya ng Diyos ang pagpapakabuti at pagpapakabanal ng tao, at nangyayari din ito sa mga simpleng pamamaraan na kung minsan ay halos hindi napapansin.
Maging ang bokasyon sa pagpapari ay nagsisimula din simpleng pamamaraan. Maaaring magsimula ito sa maagang pagmumulat ng mga magulang sa kanilang mga anak sa pananampalataya. Maaaring umusbong ito dahil sa magandang ugnayan sa loob ng pamilya. Maaari din umusbong mula sa isang trahedya o malaking pagsubok sa buhay. Hindi talaga natin matatawaran ang pamamaraan ng Diyos. Kumikilos siya sa mga simple at hindi gaanong pansining bagay. Ganoon ang kanyang pamamaraan na dapat nating igalang at tularan.
Ano kaya ang mga simple at malilit na bagay sa buhay natin ngayon? Tanggapin natin at palaguin ang mga ito. Huwag nating ikahiya ang mga ito dahil may kakayahang lumago ang mga ito. May mga binhi din ng kabutihan at kabanalan sa puso natin na itinanim ang Diyos. Palaguin natin at payabungin ang mga iyon at huwag nating hayaang mamamatay. Ang mga bunga noon ang regalo natin sa Diyos na nagtitiwala sa atin na kaya nating lumago mula sa malilit at simpleng bagay.