(Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon)
Pangkaraiwang emosyon ng tao ang takot sa maraming bagay. May mga takot na nagmumula sa masamang karanasan. May mga takot sa hinaharap at gayundin sa kasalukuyan. Kapag hindi natin hinarap ang mga takot natin habang panahon tayong hahabulin ng mga ito at hindi tayo makakausad nang pasulong sa buhay dahil sa mga ito. Para tayong nagiging paralitiko dahil sa mga takot na ayaw nating resolbahin sa buhay.
Natakot din ang mga alagad nang abutan sila ng malakas na unos sa laot. Nasindak sila sa malalaking alon at malakas na hangin. Kaya dali-dali silang nagpunta kay Hesus na kasama nila sa bangka na ‘di naman alintana kung ano ang nangyayari sa kanila nang mga oras na iyon. Nakatuon ang pansin nila sa hangin at alon at hindi nila pansin si Hesus na kasama nila. Kaya sinabi sa kanila ni Hesus “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sa mga salita ito ni Hesus parang ipinahihiwatig Niya na wala ng puwang sa isang tao ang takot kung malaki ang pananalig Niya sa Diyos. Hindi tapang ang pantapat sa takot kundi pananalig sa Diyos na Siyang may hawak ng buhay natin.
May mga pagkakataong dumarating din sa ating ang mga unos ng buhay. May malalakas na hangin at malalaking alon din na humahampas sa atin na nagdudulot din sa atin ng takot at pangamba. Minsan nangyayari ang mga ito para subukin kung gaano katatag ang pananalig natin sa Diyos, at matapos malampasan ang mga ito mas nagiging malakas na ang loob natin sa pakikihamok sa buhay. Hindi madali kung minsan harapin ang mga ito, kaya nga may mga tao na parang gusto nang bumitiw o sumuko sa buhay. Minsan siguro dumaraan din tayo sa ganoon at nalalampasan naman natin sa tulong ng Diyos. Si Hesus dumaan din sa mga dagok ng buhay. Naranasan Niya at ng Kanyang pamilya kung paano maghikahos. Pinagdaanan din Niya ang pagbatikos at hindi pagtanggap ng mga tao. Sa Hardin ng Getsemane habang nananalangin naramdaman din Niya ang paghihirap ng kalooban kung aakuin o hindi ang paghihirap. Nalampasan Niya ang lahat ng ito hindi dahil sa Siya’y matapang kundi dahil sa lalim ng Kanyang ugnayan sa Kanyang Ama na minamahal Niya at pinagtitiwalaan Niya. Kaya sa pagharap sa mga bagyo natin sa buhay ang kailangan natin ay hindi lang tapang o lakas kundi higit sa lahat ang matibay na pananalig sa Diyos. Kung nagkukulang tayo sa pananalig hilingin natin kay Hesus na dagdagan ang ating pananalig, hindi ba’t ganoon din ang panalangin ng mga alagad ni Hesus?
Minsan may isang mayamang tao na mahilig sa basketball kaya bumuo siya ng sarili niyang koponan at siya pa mismo ang nag-coach. Siya ang nagpagawa ng kanilang uniporme. Siya ang nagbibigay ng pagkain at inumin sa mga practice nila. Manalo man o matalo todo suporta siya sa kanila. Minsan ang isa sa mga manlalaro ay pinalitan at ang nakapalit ay palagi na lang nagrereklamo. Sinabi sa kanya ng mga dating manlalaro, “Huwag kang magreklamo. Hindi mo ba alam na lahat ng kailangan ng grupo ibinibigay ni coach? Manalo man o matalo pareho lang ang pakikitungo niya sa amin?” Kung minsan parang katulad din tayo ng manlalaro na mahilig magreklamo. Ibinibigay ng Diyos ang kailangan natin- ang buhay, mga talento, materyal na bagay. Ano pa kaya ang kulang sa atin? Baka mas malalim na pagtitiwala sa Diyos na Siyang may hawak sa buhay natin?