Monday, October 29, 2012

KAY HESUS ANG TUNAY NA MAHALAGA


Kay Hesus ang Tunay na Mahalaga
(Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon)

“Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo”, ito ang pambungad na pangungusap ni Hesus kay Bartimeo. Tiyak alam ni Hesus na bulag ang taong ito. Tiyak alam Niya kung ano ang kailangan ni Bartimeo, pero tinanong pa din niya, “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo.” Napakapalad ng taong ito dahil si Hesus na mismo ang nagpatawag sa kanya mula sa karamihan at tinanong pa siya kung ano ang ibig na gawin sa kanya. Dalawang mahalagang aral ang hugutin natin sa pangyayari ito.
Una, si Hesus ang nagpapatawag sa atin. Siya palagi ang gumagawa ng simula para makalapit tayo sa Kanya (Jesus always takes the initiative). Nasa atin ang pagpapasya kung kung tutugon tayo sa kanyang pagtawag, at ang pagtugon sa pagtawag ay palaging kilos ng pananampalataya o act of faith. Isinaad sa Ebanghelyo, bilang tugon ni Bartimeo, “iniwaksi niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Hesus. Indikasyon ito ng  kagalakan niya na makalapit kay Hesus. Totoong bukal ng kagalakan ang makalapit kay Hesus. Hindi ito maihahambing sa pakikipagtagpo kahit sa sinumang pinakamahalaga o sikat na tao dito sa lupa. Kakaibang karanasan ang tawagin ni Hesus at lumapit sa Kanya. Tulad ni Bartimeo maiwaksi din sana natin ang anumang nakahahadlang sa atin para masayang makatugon at makalapit kay Hesus. Baka ito ay ang hiya at takot sa Kanya dahil sa ating mga kasalanan. Baka ito ay ang mga bisyo, masasamang ugali o hilig natin na nahihirapan tayong iwanan. Hindi magkukulang si Hesus sa pagbibigay sa atin ng biyayang kailangan natin para makalapit sa kanya.
            Ikalawa, kailangan nating bigkasin nang malinaw kay Hesus ang nilalaman ng ating puso. Ito ang dahilan kung bakit tinanong pa ni Hesus si Bartimeo kung ano ang ibig gawin sa kanya. Mahalagang alam natin ang gusto ng ating puso. Namamalimos lamang si Bartimeo, indikasyon ito na mahirap at kaawa-awa ang kanyang kalagayan. Wala siyang ibang maaasahan. Puwede sanang sinabi niya kay Hesus na gusto niya ng kayamanan. Tahasang sinabi ni Bartimeo, “Guro, ibig ko po sanang makakita”. Diretso ang kanyang sagot at iyon ang nilalaman ng kanyang puso. Iyon ang tunay na mahalaga para sa kanya. Napalakas ng hatak ng pagiging makamundo sa ngayon. Bunga ito ng tinatawag na post modernism. Isa sa kaisipang itinuturo nito ay ang paghahangad sa mga materyal na bagay lamang. Puwedeng hangarin ito basta hindi nakakapinsala o nakakasagasa ng iba. Ganito lang din ba ang mahalaga na nilalaman ng ating puso? Ang laman ba ng ating puso ay mga bagay lang na lumilipas tulad ng pera, kapangyarihan, katanyagan? Makalundag sana tayo mula sa mga makamundong paghahangad patungo sa mga bagay na pinapahalagahan ni Hesus tulad ng buhay at pananampalataya. Ito sana ang maging laman ng ating puso at itinuturing nating mahalaga sa lahat.
            Dalawang biyaya ang hilingin natin kay Hesus ngayong Linggo. Ang biyaya na masayang makatugon sa tawag niya at ang biyaya na masabi sa kanya ang tunay na mahalaga sa ating puso.
    

Sunday, October 21, 2012

MISYON HINDI AMBISYON


Misyon hindi Ambisyon
(Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon)

    Maraming mahahalagang okasyon ang ipinagdiriwang natin ngayong Linggo.Una, ang Pandaigdig na Araw ng Misyon o World Mission Sunday. Ikalawa, ang canonization ni Beato Pedro Calungsod. Ikatlo, ang ika-apat na taong anibersaryo ng Parokya ni San Jose, ang ating minamahal na parokya.  Dahil puno na mahahalagang okasyon ang Linggong ito, nag-iiwan ito sa atin ng mahahalagang hamon tungkol sa pananampalataya at paglilingkod.
    Ang buhay pananampalataya ay hindi tungkol sa ambisyon kundi sa misyon. Lumapit ang magkapatid na Santiago at Juan dahil sila ay may ambisyon- ang makaupo sila sa tabi ni Hesus, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Mga posisyon ito ng katanyagan o pagiging sikat. Matagal na nilang kasama si Hesus pero parang hindi sila natuto kay Hesus.  Hindi pa  rin nila naunawaan na kay Hesus hindi mahalaga ang posiyon at ambisyon kundi ang misyon, at para sa kanya ang misyon ay maging lingkod ng lahat at alipin ng lahat. Hindi ito posisyon ng katanyagan o pagiging sikat kundi ng pagpapakumbaba. Hindi masama ang magkaroon ng ambisyon. Kailangan nga natin ito para magkaroon tayo ng pokus sa buhay. Sabi nga libre lang ang mangarap o mag-abisyon. Gayunpaman, hindi naman dapat na maging makasarili tayo dahil sa ating mga pangarap o ambisyon. Ang mga ambisyon natin ay dapat dalhin tayo sa pagmimisyon. Namumuhay tayo sa mundong punung-puno ng paligsahan. Ang direksiyon ng marami ay papataas o pasulong. Lahat gustong mauna. Lahat gusto nasa itaas. Kung tutuusin hindi naman talaga masama ang  maging nasa itaas. Hindi naman masama ang pagsulong. Ang masama ay kapag nagiging makasarili ang tao at nakakalimutan ang iba. Ang pagmimisyon ay magkaroon ng kakayahang isipin at isaalang-alang ang kabutihan ng iba. Ang pagmimisyon ay magkaroon ng kakayahang unahin ang iba kahit tayo ay mahuli.
    Ang lugar ng pagmimisyon ay ang pamayanan na tinatawag nating parokya. Ang parokya ay dapat na maging pamayanang nagmimisyon. Apat na taon na ang nakalilipas nang itatag tayo bilang isang parokya. Layunin nito na higit na maibigay sa mga mananampalataya ang pangangalagang espirituwal at pastoral. Itinatag tayo bilang isang parokya sa ngalan ng pagmimisyon. Ito ang pinagsikapan at patuloy nating pinagsisikapan ngayon. Pagmimisyon ang dahilan ng ating mga programanng pastoral ng ating parokya. Maging ang pagpapatayo natin ng simbahang bato ay sa ngalan ng pagmimisyon. Lahat ng ating mga pagsisikap sa parokya ay sa ngalan ng pagmimisyon. Hindi ito magagawa ng pari kung siya'y nag-iisa. Kailangan niya ang mga katuwang na kusang loob na mag-aalay ng talino, yaman at kakayahan. Magiging lugar ng pagmimisyon ang parokya kung ang mga mananampalataya ay magsisikap na isabuhay ang Salita ng Diyos, unang-una sa tahanan papalabas. 
    Si San Pedro Calungsod ang ibinibigay sa atin ng Diyos ngayon na huwaran natin sa pagmimisyon. Sa gulang na 14 na taon pinangarap niya na maging tagapagpahayag ng Mabuting Balita. Sa murang gulang naging saksi siya ni Kristo. Sa murang gulang nagbuwis siya ng buhay alang-alang sa pananampalataya. Ang pagluluklok sa kanya sa altar ng mga banal ay nagpapatunay na maaaring maging banal ang mga Pilipino at maaaring maging saksi ng Mabuting Balita ang mga kabataan.  
    Ngayong Linggo, sikapin natin sagutin at pagnilayan ang mga tanong na ito. Ano ang magagawa ko para maging misyonero sa aking tahanan? Ano ang magagawa ko para maging aktibong kasapi ng aking parokya? Ano ang magagawa para katulad ni San Pedro Calungsod ako ay maging banal? 
  Ang parokya natin ay maging pamayanan nawa ng mga taong naglilingkod at nagpapakabanal.

Saturday, October 13, 2012

ANG DAAN TUNGO SA BUHAY NA WALANG HANGGAN


Ang Daan Tungo sa Buhay na Walang Hanggan
(Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon)

Tayong lahat ay nag-aasam na makarating sa langit at magtamo ng buhay ng walang hanggang. Buhay na walang hanggan ang tinatanaw natin kaya tayo nagsisikap na maging mabuti at banal. Katulad tayo ng lalaking lumapit kay Hesus na nagtanong, “Mabuting guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?  Alam niya ang mga Utos ng Diyos na tinutupad na niya simula pa sa kanyang pagkabata. Ang pagtupad sa mga utos ng Diyos ang unang hakbang sa pagkakamit ng buhay na walang hanggan. Ibinigay ito ni Yahweh sa mga Israelita upang sila’y makarating sa Lupang Pangako. Marami sa kanila ang hindi nakapasok dahil sa pagwawalang bahala sa mga utos ng Diyos. Bilang mga Katoliko inaasahan sa atin na alam natin sa ating puso ang mga Utos ng Diyos at sinisikap nating tuparin araw-araw. Ang mga ito ay hindi pabigat sa atin kundi gabay natin sa maayos na pakikitungo sa Diyos at sa ating kapwa tao. Marami sa mga Israelita ang nagturing sa mga kautusan ni Yahweh bilang pabigat, at naging mabigat nga ang kanilang buhay dahil sa kanilang negatibong saloobin tungkol dito. Ganito din ba ang pananaw at saloobin natin sa mga Utos ng Diyos? Ang Utos ng Diyos ay nagsisilbing panuto sa ating buhay. Hindi kailanman ibinigay ng Diyos ang mga ito para pahirapan tayo.
            Ang pag-alam at pagtupad sa Utos ng Diyos ang unang hakbang tungo sa buhay na walang hanggan. Ang ikalawang hakbang ay ang pagbabahagi sa kapwa. Ito ang konkretong pagsasakatuparan ng mga Utos ng Diyos. Nalungkot ang lalaki nang marinig ito sapagkat siya’y napakayaman. Ang kayamanan ay biyaya ng Diyos. Hindi masama ang kayamanan gayundin ang magpayaman. Subalit hindi dapat na maging sagabal ito sa pagkakamit natin ng buhay na walang hanggan. Hindi tayo dapat paalipin sa kayamanan o materyal na bagay. Dapat matulungan tayo ng kayamanan para maging mabuting anak ng Diyos. Kung nagiging makasarili ang tao dahil sa kayamanan ito ang magiging simula ng kanyang pagbagsak. Kung tayo’y biniyayaan ng Diyos ng kayamanan o materyal na bagay ito’y para sa ating ikabubuti. Kung tayo man ay nakaririwasa sa buhay tayo ay nasa posisyon para magbahagi at makatulong sa ating kapwa.
            Ito ang dalawang hakbang sa pagtatamo ng buhay na walang hanggan: ang pagtupad sa mga Utos ng Diyos at pagbibigay laman dito sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kapwa. Kailangan natin ang Karunungan at Salita ng Diyos para malaman natin kung ano talaga ang mahalaga sa buhay na maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan. Isabuhay natin araw-araw ang mga Utos ng Diyos at mabubuhay tayo sa piling ng Diyos.         

Monday, October 8, 2012

TAYO NA SA ORIG


Tayo na sa Orig
(Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon)

Karaniwang mas gusto natin ang orig o orihinal kaysa sa ­hindi o imitation lamang. Kahit na mas mahal ang orig mas ginugusto natin ito dahil nasisiyahan tayo sa mas mataas na kalidad nito. Mas gusto natin ang orihinal na pabango kaysa imitation lamang kasi mas iba ang bango ng orig.  Mas gusto natin ang orig na damit kaysa imitation lamang kasi iba ang dating ng orig kaysa imitation lamang. Halos sa lahat ng larangan mas gusto natin ang orig o ang orihinal. Ayaw nga din natin kapag ginagaya tayo, kaya sinasabi natin, “Walang kang originality”.
Ang Diyos ang may orig o orihinal na plano at disenyo sa lahat ng bagay. Ito ang katotohanang binibigyan diin ng Salita ng Diyos ngayong Linggo. Ang Diyos ang may plano at disenyo sa ating katawan na may magandang pagkakaayos. Siya din ang may disenyo ng mga bagay sa kalawakan, sa lupa, sa ilalim ng lupa, sa ilalim ng tubig at sa lahat ng bagay. Siya din ang may plano at disenyo sa kasal na ngayon ay tinatawag nating sakramento. Itinaas pa ito ni Hesus sa antas ng sakramento para maging daluyan ng biyaya sa mga babae at lalake na nagmamahalan.
Sa ngayon maraming nagtatangkang ibahin ang plano ng Diyos ukol sa Kasal. Sa simula pa, ayon sa disenyo ng Diyos ito ay para sa isang lalaki at babae na nagmamahalan. Subalit ngayon may mga nagpipilit na maaari na din ito para sa mga magkaparehong kasarian (same sex union). Sa pasimula pa, ayon sa plano ng Diyos ito ay pang-habambuhay (indissoluble). Subalit ngayon, may mga nagpupumilit na isabatas ang diborsiyo, o kaya naman buhay pa ang asawa ay pinapalitan na! Pilit nilang binibigyang katuwiran ang paglihis sa plano ng Diyos na siyang nakakaalam ng lahat ng bagay. Kahit ang katawan ng tao na likha ng Diyos ay nais pakialaman ng tao alang-alang daw sa kabutihan nito na kalimitan ay nakasasama pa nga dito. Para hindi na daw magtagal ang paghihirap ng taong may sakit ay dapat ng lapatan ng euthanasia o ayon sa kanila ay mercy killing. (Kailan pa kaya naging pagpapakita ng awa ang pagkitil sa buhay ng tao?). Sa pasimula pa, ayon sa plano ng Diyos ang tao ay bunga ng pagmamahalan ng babae at lalaki sa pamamagitan ng pagtatalik. Ngayon may mga taong nagsasabi puwede ng buuin ang tao sa test tube o kaya sa pamamagitan ng cloning. Ilan lamang ito sa pagtatangka ng tao na ibahin ang orihinal na plano at disenyo ng Diyos.
Sa pagtatangka ng tao na lumihis sa plano ng Diyos ay napapahamak siya. Napapahamak ang buhay mag-asawa at buhay pamilya kapag lumihis sa plano ng Diyos ukol dito. Napapahamak ang buhay ng tao kapag pilit niya sinusunod ang sarili niyang plano at disenyo at hindi ang plano at disenyo ng Diyos. Katapatan ang susi para mapanatili natin ang disenyo ng Diyos. Dapat tayong maging matapat sa plano ng Diyos para maging maayos, masaya at mabunga ang buhay natin.
Naniniwala ako na sa pasimula ayon sa plano ng Diyos ay nais Niya akong maging pari. Unti-unti itong nilinaw ng Diyos habang ako ay lumalaki sa pamamagitan ng mga pangyayari at karanasan sa aking buhay. Naging pari ako dahil nakipag-isa ako sa plano ng Diyos. Ngayong pari na ako magiging maayos, masaya at mabunga ang buhay pagkapari ko kung patuloy kong igagalang at susundin ang plano ng Diyos, at kung hindi magiging miserable ang buhay ko. Ganoon din sa buhay may asawa. Subukan mong lumihis sa plano ng Diyos ukol sa buhay may asawa o buhay pamilya tiyak magiging masalimuot ang buhay.
Ang buhay na kaloob ng Diyos ay napakasimple. Tayo ang nagpapasalimuot dito at tayo din ang dahilan kung bakit nagiging mas mahirap ito. Pinipilit kasi nating lumihis sa plano at disenyo ng Diyos. Dapat laging balikan kung ano ang orihinal na plano at disenyo ng Diyos. Mas mabuti pa din ang orig. Doon tayo mapapabuti. Lagi tayong bumalik sa orihinal na walang iba kundi ang Diyos. Mas mainam ang orig kaysa imitation lamang.