Friday, September 28, 2012

KAPANALIG

Kapanalig
(Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon)

Sapagkat  ang hindi laban sa atin ay panig sa atin.
Ngayong nalalapit na naman ang halalan muli nating makikita ang pagpanig o pagkiling ng mga kandidato at maging ng mga manghahalal sa mga napupusuan nilang partido o alyansa. Kapansin-pansin din na sa larangan ng pulitika mukhang walang permanenteng magkakampi o magkakatunggali. Ngayon magkakampi, bukas hindi na. Ngayon magkatunggali, bukas magkasama na. Isang mukha ito ng kinagisnan nating pulitika.
Subalit sa larangan ng pananampalataya iisang lang ang dapat kilingan o panigan. Wala ng iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Si Hesus at tayo ang dapat na manatiling magka-alyansa anuman ang mangyari. Tiyak lahat tayo ay magpapahayag na gusto nating maging kapanalig ni Hesus at kapanalig si Hesus. Walang  tahasang magsasabi sa atin na tayo ay hindi kay Hesus. Gayunman, ang makapagpapatunay kung tayo ay panig kay Hesus o hindi ay ang pamamaraan ng ating buhay. Ang ating mga kilos at pagpapahalaga sa buhay ang mangungusap kung tayo ay totoong kaalyansa ni Hesus. May mga palatandaan kung tayo ay panig kay Hesus o hindi.
            Una, kumikilos sa ngalan ni Hesus. Ang taong nakita ng mga alagad na nagpapalayas ng demonyo ay kumikilos gamit ang pangalan ni Hesus. Ang paggamit niya sa pangalan ni Hesus ay hindi para lang gamitin si Hesus. Kumikilos siya sa kapangyarihang galing kay Hesus. Panig tayo kay Hesus kapag ginagawa natin ang mga bagay-bagay sa buhay natin nang kasama si Hesus. Sa kanya nagmumula ang ating inspirasyon at sigla na gumawa ng mabuti.  Hindi sapat na mabuti lang ang gagawin natin at may mabuti tayo intensiyon. Dapat isinasama din natin si Hesus. Ang dahilan kung minsan ng ating pagkabigo sa mga gawain natin ay ang hindi natin pagkonsulta kay Hesus. Akala natin kaya na natin ang lahat at hindi na natin Siya kailangan dahil magaling at mahusay naman tayo. Mas magiging magaling at mahusay tayo kung kasama natin si Hesus.
            Ikalawa, ang taong panig kay Hesus ay daan ng kabanalan. Sabi ni Hesus, “Mabuti pa sa  isang tao ang siya’y bitinan ng isang malaking gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala…”. Kung panig tayo kay Hesus tayo ay magiging daan sa pagpapakabuti ng ating kapwa tao. Ang mga magulang ay dapat maging mabuting halimbawa sa kanilang mga anak. Ang magandang halimbawa ang isang mabisang pamamaraan ng pagdidisiplina sa mga anak. Ang mga magkakaibigan ay dapat inaalalayan ang bawat isa upang hindi mabulid sa masama. Ang kaibigang totoo ay umaakay sa atin sa kabutihan, hindi sa kasamaan. Napakasarap ng pakiramdam kapag tayo ay nagiging instrumento ng pagbabalik-loob sa Diyos ng ating kapwa tao. May saysay ang buhay natin kapag nakapaglalapit tayo ng tao sa Diyos.
            Lagi tayong makipag-alyansa kay Hesus. Kahit anuman ang mangyari sa buhay natin huwag tayong bibitiw kay Hesus. Huwag sana natin Siyang talikuran kung may pagsubok sa buhay. Mas higit tayong pumanig kay Hesus sa mga sandali ng pagkalito, kabiguan o kahirapan. Kailanman hindi tayo iiwanan ng Diyos. Kapag Siya ang kapanalig natin hindi tayo mabibigo! 

Monday, September 24, 2012

ANG SUKATAN NG KADAKILAAN


Ang Sukatan ng Kadakilaan
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon - (B)
Setyembre 23, 2012

Noong nakaraang Linggo ipinahayag ni Hesus sa kanyang mga alagad na ang Anak ang Tao ay kailangang magbata ng maraming hirap bago niya matamo ang kadakilaan, bagay na hindi matanggap ni Pedro, kaya’t sinabihan siya ni Hesus, “Lumayo ka satanas, ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao”. Matapos ang pangyayaring ito natuklasan ni Hesus na pinag-uusapan ng mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. Hindi pa rin naunawaan ng mga alagad ang ibig sabihin ni Hesus sa pagpapakasakit ng Anak ng Tao. Iba ang sukatan nila ng kadakilaan.
            Kakaiba din ang sukatan ng kadakilaan ng mundo. Sa mundong ginagalawan natin ang dakila ay ang may kapangyarihan, maraming kayamanan, sikat, maraming naiambag sa lipunan, pinagpupugayan kahit matagal nang patay. Kay Hesus dalawa lamang ang sukatan ng kadakilaan: maging huli sa lahat at maging lingkod ng lahat.
            Ang kadakilaan ay nasusukat sa kakayahang maging huli sa lahat upang ang iba ay mauna. Taliwas ito sa itinuturo sa atin ng mundo na dapat maging una tayo palagi. Ang pagiging huli sa mata ng mundo ay kulelat, mahina, kawawa. Paano ba maging huli sa lahat? Ito ay pag-iisip sa kabutihan ng iba bago ang sa atin. Ito ay pagsasangtabi ng ating mga personal na interest para sa kapakanan ng ibang tao. Sa makatuwid, ang pagiging huli sa lahat ay hindi pagiging makasarili (selfish of self- centered).  Kahit saan laganap ang kumpetisyon. Kung tutuusin hindi naman talaga masama ito. Ang nagpapasama dito ay kapag dahil sa kumpetisyon nakakalimutan na natin ang kabutihan ng iba at natatapakan o nasasagasaan na natin sila dahil sa pagsusulong natin ng ating mga personal na interest. Para maging huli tayo at una ang iba kailangang matuto tayong magparaya.
            Ang kadakilaan ay nasusukat sa kakayahang maging lingkod ng lahat. Ilang buwan na lamang at maririrnig na natin ang mga taong magpapahayag ng mithiin ng maglingkod sa lahat. Sana hindi lang sa salita kundi pati sa gawa. Ang maging lingkod ng lahat ay pag-aaalay ng sarili para sa lahat. Ang maging lingkod ng lahat ay magdulot ng magandang pagbabago sa buhay ng tao hindi lamang sa aspeto ng kabuhayan, kundi sa kabuuan ng pagkatao.
            Para pumasa tayo sa dalawang sukatan na ito ng kadakilaan kailangan natin ang kababaang loob. Kailangan nating maging mababang loob para unahin ang iba at tayo ay mahuli. Kailangan natin ang kababaang loob para mapaglingkuran ang lahat, kahit ang mga taong ayaw sa atin.
            Maraming taong dakila sa paligid natin. Ang mga tricycle drivers at taxi drivers na nagsasauli ng mga naiiwang gamit ng kanilang mga pasahero; ang mga magulang na nagsasakripisyo mapagtapos lamang ang mga anak; ang empleyado ng gobyerno na matapat sa mga tungkulin kahit maliit ang suweldo; ang mga tinder na tama kung magtimbang; ang mga lingkod simbahan na walang pagod sa paglilingkod kahit walang suweldo. Ikaw, ako, tayong lahat maaaring maging dakila.
            Sa paghahangad natin na maging dakila ang sukatan ni Hesus nawa ang maging batayan natin at hindi ang sa mundo. Maaari tayong maging dakila kung kaya nating unahin ang iba kahit tayo ang mahuli at kung kaya natin na maging lingkod ng lahat. Ito din ang susi sa tunay na kaligayahan.

    

Wednesday, September 19, 2012

KRUS: AND KORONA NG TAGUMPAY


Krus: Ang Korona ng Tagumpay
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon - (B)
Setyembre 16, 2012

Noong nakaraang Biyernes, ika-14 ng Setyembre ay ipinagdiwang natin ang Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal, at sinundan ito ng Paggunita sa Mahal sa Mahal na Birheng Nagdadalamhati (Our Lady of Sorrows) noong Sabado, ika-15 ng Setyembre. Ito ay mga pagdiriwang na sa unang tingin ay nakatuon sa pagkabigo o pagkatalo, kalungkutan at pagdurusa. Maaari nating itanong, Bakit may Pista ng Krus? Bakit may pagbibigay pansin kay Maria na Nagdadalamhati? Tayo ba ay relihiyon ng pasakit at kalungkutan? Tuwing Biyernes Santo tampok sa ating Liturhiya ang Pagsamba sa Krus. Pumipila tayo at hinahagkan ang Krus na Banal ng Panginoong Hesus. Ganoon na lamang ang pagpapahalaga natin sa Krus dahil ito ang instrumento ng pagliligtas ng Diyos sa atin at higit sa lahat ito ang palatandaan ng pag-ibig ng Diyos sa atin.
            Ipagpalagay natin isang araw ng Linggo nagsimba kayo at wala ang krus sa dambana, magtataka kayo at marahil magtanong kayo, “Nasa loob ba ako ng simbahang Katoliko?” Kapag inalis natin ang krus wala ng kahulugan ang pananampalataya, wala ng kabuluhan ang relihiyon, wala na ring kabuluhan ang  buhay. Ano ba ang pananaw natin sa krus ngayong panahon na ito? Katulad ni Pedro hindi rin katatanggap-tanggap noong una para sa kanya ang pagpapakasakit at paghihirap. Maraming tao ngayon ang gusto ay kung ano ang madali, mabilis, walang hirap, madalian. Ito ang isang masamang dulot na mundong nasanay na sa konsepto na panandaliang ginhawa. Ayaw na nang nahihirapan.
            Maging si Kristo ay hindi umiwas sa krus. Pinasan niya ito para sa atin at para turuan tayo ng magandang halimbawa. Ang mga Pagbasa natin ngayong Linggo ay nagtuturo sa atin ng tamang pananaw o saloobin sa krus.  Sa Unang Pagbasa ay ipinapakita ni propeta Isaias ang Nagdurusang Lingkod ng Diyos (Suffering Servant) na hindi tumutol at nagreklamo sa mga pahirap na hindi naman dapat para sa kanya. Itinuturo naman ni Apostol Santiago ang magkatambal na pananampalataya at gawa. Ito ang mga angkop na tugon sa mga krus natin sa buhay. Wala naman talagang magandang dulot ang pagrereklamo sa Diyos at sa ibang tao kapag tayo’y nahihirapan. Hindi naman pinagagaan nito ang buhay kundi lalo pang pinabibigat nito. Hindi rin tayo ginagawang mabuti ng pagrereklamo. It doesn’t make us good, and it doesn’t bring out the good in us. Ang angkop na saloobin  sa krus ay kababaabaang loob. Mas pinagagaan nito ang krus at ang buhay natin. Ang isa pang angkop na saloobin sa krus ay pananampalataya at gawa. Pasanin natin ito nang may pananampalataya. Pinagagaan din nito ang krus na pinapasan natin. Sa halip na magreklamo sa Diyos at manisi ng ibang tao gumawa din tayo ng mabuti. Mahamon sana tayo ng mga pasakit at paghihirap na pinagdadaanan natin para lalong sumampalataya sa Diyos at magsikap na magpakabuti at gumawa ng kabutihan. Kung ganito ang saloobin natin sa krus ito ay magiging korona ng tagumpay.     



Thursday, September 13, 2012

MABUKSAN


Mabuksan
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon - (B)
Setyembre 9, 2012

       Mahirap ang pinagdadaanan ng mga taong may kapansanan sa pandinig- ang mga bingi at utal. Hindi nila masabi nang maayos kung ano ang gusto nila o kaya ang totoong nararamdaman nila. Mahirap din para sa mga nangangalaga o palaging nilang nakakasama ang ganitong kalagayan. Salamat at tayong lahat ay biniyayaan ng kakayahan na makarinig at makapagsalita. Dapat nating gamitin ito para ipahayag ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa sa atin ng Diyos.
May isa pang uri ng pagkabingi at pagkautal na maaaring magpahirap sa tao. Ito ay ang ispirituwal na pagkabingi at pagkautal. Hindi ito likas na pagkabingi at pagkautal kundi pinili ng tao na maging bingi at utal sa iba’t ibang kadahilanan (not by nature but by choice). Palagay ko ito ang mas mahirap gamutin o bigyan ng lunas, pero mayroon namang pwedeng gawin.
     May mga palatandaan ang ispirituwal ng pagkabingi at pagkautal. Una, kawalang pakialam sa pangangailangan ng iba (indifference). Nakikita nang may pangangailangan ang iba pero hindi pa rin kumikilos. Hindi lamang kawalang pakialam ito sa pangangailangan ng iba pati na rin sa nararamdaman ng kapwa, kasama na rin din dito ang kawalang pakialam sa nangyayari sa paligid tulad ng kawalang katarungan o pang-aabuso sa ibang tao. Dapat kumikibo tayo kapag may nagiging kawawa dahil sa kawalang katarungan ng iba. Ikalawa, ang hindi pagkilala sa mga magagandang bagay na ginagawa ng Diyos. Mayroon tayong kakayahang makapagsalita para maipahayag natin ang kabutihan ng Diyos. Ang iba taong ay nahihiya o natatakot magpahayag sa kabutihan ng Diyos dahil mas sanay na makita at maipahayag ang hindi magaganda at mabubuting bagay. Bingi at utal na ipahayag ang kabutihang-loob ng Diyos dahil sinanay ng mundo nakatutok sa negatibong mukha ng buhay. Maganda ang buhay dahil galing ito sa Diyos. Ang disposisyon o pananaw natin sa buhay ang hindi maganda.
       May magagawa ba tayo sa ispirituwal na pagkabingi at pagkautal? Ang magagawa natin ay palagi nating sanayin ang sarili na tumugon sa pangangailangan ng iba, gayundi kumilos nang wasto sa mga nangyayari sa paligid natin. Sanayin natin ang ating sarili na makita ang mas maganda at positibong mukha ng buhay at ito ang ipahayag natin sa iba.
Mabuksan! Ito ang salita ni Hesus sa lalaking bingi at utal. Ito rin ang sinasabi sa atin ni Hesus. Mabuksan nawa ang anumang sarado sa atin upang makapasok ang pag-ibig ni Hesus.