Si Juan Bautista sa Adbiyento at Pasko
(Ika- 2 Linggo sa Panahon ng
Adbiyento-K)
Halos lahat tayo ay lumaki sa paniniwalang totoong may Santa Claus. Naging bahagi ng kamalayan
natin ukol sa Pasko si Santa Claus, na
siyang nagbibigay ng regalo sa mga batang mababait. Napaniwala tayo na
dumarating siya tuwing hatinggabi ng Pasko para magbigay ng regalo sa mga taong
sa pasya niya ay karapat-dapat. Kung tutuusin hindi naman talaga masamang
maniwala kay Santa Claus. Magandang
halimbawa nga siya pagdating sa larangan ng pagkakawang-gawa sa kapwa,
pagtulong at pagbibigay. Gayunpaman, dapat ding bigyang diin, lalo na sa mga
bata na hindi siya ang tampok tuwing Adbiyento at Pasko, kundi ang Panginoong
Hesukristo. Hindi siya ang dumating at nagbigay ng regalo noong unang Pasko
kundi ang Panginoong Hesus.
May isang pang tampok na tauhan ang Adbiyento at Pasko-si
Juan Bautista na tagapaghanda ng daan ng Panginoon. Sa batayan ng mundo hindi
kaakit-akit na tauhan si Juan Bautista sapagkat kakaiba siya sa karamihan. Sa
ilang siya nakatira. Ang damit niya ay hinabing balahibo ng kamelyo at ang
pagkain ay balang at bulot-pukyutan. Sa salita natin ngayon-taong bundok,
makaluma o primitive. Ito ang mga
katangian ni Juan Bautista na kailangan nating mga tao ngayon sa paghahanda sa
pagdating ng Panginoon.
Ang bundok ay
lugar ng pakikipagtagpo sa Diyos. Sa bundok nakipagtapo ang Diyos kay
Moises upang ibigay ang kanyang mga utos. Sa bundok din sinubok ng Diyos ang
pananampalataya ni Abraham nang anyayahan siya ng Diyos na iaalay ang kanyang
kaisa-isang anak. Sa bundok din madalas nagdarasal si Hesus at nakikipagniig sa
Kanyang Ama. Sa madaling salita, ang bundok ay lugar ng Diyos. Mahalagang
paghahanda natin ngayong Adbiyento ang mas malimit na pagdarasal at pagninilay.
Hanapin natin ang kanya-kanya nating bundok kung saan matatagpuan natin ang
Diyos. Makakatulong din ito para maihanda natin nang husto ang ating puso at
kalooban sa pagdating ni Hesus. Kung paanong naggagayak tayo para sa mga
dekorasyon, pagkain at damit, maghanda din sana tayo sa pamamagitan ng
pananahimik at pananalangin sa kanya-kanya nating bundok.
Sa batayan ng
mundo si Juan Bautista ay makaluma, huli na sa takbo ng panahon. Ano ba ang maganda sa luma?
Ang luma ay subok na ng panahon, dumaan na sa maraming pagsubok, hinubog na ng
panahon. Marami sa atin mahilig sa bago, na kung tutuusin hindi naman talaga
masama. Hindi kasalanan ang paghahangad na bago. Nasanay ang maraming bata
kapag Pasko dapat ay may bago. Hindi nga masama ito, pero kailangan din naman natin
silang sanayin sa kapayakan ng buhay. Ganyan si Juan Bautistang taga-bundok at
makaluma. Mahalagang disposisyon din ito sa paghahanda sa pagdating ng
Panginoon. Ang pagdating ng Panginoon ay hubad sa anumang karangyaan.
Simpleng-simple ang unang Pasko. Ganito din natin dapat ipagdiwang ang
pagdating ng Panginoon. Ang pagiging masaya nito ay wala sa karangyaan kundi sa
kung ano ang nilalaman ng ating mga
puso.
Ngayong Linggo si Juan Bautista ang ibinibihay sa ating
huwaran para sa Adbiyento at Pasko. Oo, taga-bundok at makaluma,
malayong-malayo kay Santa Claus na mayaman at marangya. Ipinapaalala niya sa atin na paghandaan natin
ang pagdating ng Panginoon hindi sa pamamagitan ng ingay kundi ng katahimikan,
ng kapayakan hindi ng karangyaan.