Si Hesus ang Regalo ng Ama
(Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng
Panginoon-K)
Ngayong Linggo
ay ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapitahan ng Pagpapakita ng Panginoon na
mas kilala bilang Kapistahan ng Tatlong Hari. Ito ang huling Linggo sa Panahon ng
Pasko ng Pagsilan. Hindi pa natatapos ngayong Linggo ang Pasko. Matatapos ito
sa susunod na Linggo, Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon. Ang Dakilang
Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon ay nagbibigay-diin sa katotohanan na ang
Diyos ay nagbunyag o nagpakilala ng Kanyang sarili hindi lamang sa mga Hudyo
kundi sa lahat ng tao, na kinakatawan ng mga pantas. Ginawa Niya ito sa
pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos, para sa ikaliligtas ng
lahat. Dahil dito, masasabi natin na ang Diyos ay para sa lahat, para sa lahat
ng nagbubukas ng kanilang puso at tumatanggap sa Kanya.
Bahagi ng
pagdiriwang natin ng Pasko ang pagbibigayan ng regalo. Hindi mawawala ito sa
mga Christmas Party at reunion kaugnay ng Pasko. Nakakatuwa ang
makatanggap ng regalo gayundin ang makapag-bigay ng regalo. Sa katunayan, hindi
naman regalo ang nakapagpapasaya kundi ang maalala ka ng nagbigay ng regalo.
Ang pagbibigay ng regalo ay maaaring maging tanda ng pagkilala at pasasalamat.
Totoo, ang pasasalamat ay hindi mabibigayan ng halaga o amount sa pamamagitan ng regalo. Ito ay pagsisikap lamang natin na
maipadama sa konkretong pamamaraan ang pagkilala at pasasalamat natin.
May mga dalang
regalo ang mga pantas sa kanilang pagdalaw kay Hesus- ginto, kamanyang at mira.
Simbolo ang mga ito ng pagiging hari, Diyos at Tao ni Hesus. Higit pa sa mga
regalo ang ginawang pagsamba at pagbibigay-pugay ng mga pantas kay Hesus.
Napakamahal ng kanilang regalo kay Hesus dahil mahaba ang kanilang nilakbay.
Marahil marami din silang isinakripisyo. Gayunpaman, hindi nila kayang tumbasan
ang regalo ng Diyos sa ating lahat dahil ang ibinigay Niya sa atin ay si Hesus,
ang kanyang Bugtong na Anak. Si Hesus ang regalo sa atin ng Diyos. Hindi tayo
karapat-dapat regaluhan ng Diyos. Hindi natin karapatan na makatanggap ng
regalo mula sa Diyos subalit minarapat Niya dahil mahal na mahal Niya tayo.
Itinuturing ba
nating regalo ng Diyos sa atin si Hesus? Talaga bang tinatanggap at
pinapahalagahan natin Siya? Kung talagang pinapahalagahan natin si Hesus bilang
regalo ng Diyos sa atin, pinapalalim ba natin ang ating ugnayan sa kanya?
Naglalaaan ba tayo ng oras para basahin ang kanyang Salita, magdasal araw-araw,
gumawa ng kabutihan araw-araw? Kauna-unahan ba sa mga prayoridad natin ang
buhay pananampalataya?
Si Hesus ang
pambihirang regalo ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi pa lahat ng tao ay
nagkakaroon ng pagkakataon na makilala at matanggap si Hesus sa kanilang buhay.
Mapalad tayo dahil kabilang tayo sa mga taong binibigyan ng pagkakataon na
makilala at matanggap si Hesus bilang regalo ng Diyos. Sana’y lagi nating pahalagahan ang biyaya na
makilala at matanggap si Hesus. Siya rin sana ang ibahagi o iregalo natin sa
iba.