Hindi Pribilehiyo at Kapangyarihan
(Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon-B)
Sabi sa pelikulang Spider man , “Great power comes with great responsibility.” Totoo ito dahil anumang bigay na kapanyarihan ay may kasamang responsiblidad, at nakalaan lagi ito para sa kabutihan ng ibang tao, at hindi lang ito para sa inatasan o sa kanyang pamilya , mga kakampi o kakaibigan. Nawawalan ito ng silbi kapag ginagamit sa pansariling kapakanan.
Ngayong Linggo natunghayn natin sa Ebahelyo ang pagbibigay ng atas ni Hesus sa mga alagad para mangaral na Mabuting Balita, magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo. Hindi pangkaraniwang kapangyarihan ang ibinigay ni Hesus sa kanila, sapagkat sa pangalan ni Hesus ang mga maysakit ay gumagaling at takot na umaalis ang mga demonyo, at ang ipinapangaral nila ay Salita ng Diyos na naghahatid ng kaligtasan. Sa dinadami-dami ng mga puwedeng piliin sila pa na mga simpleng mangingisda ang pinili ni Hesus. Matapos sabihin ni Hesus ang kanilang misyon pinagbilinan Niya sila na huwag magdala ng anuman maliban sa tungkod. Gusto ba ni Hesus na magmukha silang kaawa-awa, marumi at parang pinabayaan? Tiyak hindi ganoon ang dahilan ni Hesus kung bakit ganoon ang bilin Niya. Hindi na nga biro ang tungkulin na bigay Niya sa kanila marami pa silang dapat na talikuran. Gusto kasi ni Hesus wala na silang ibang aasahan kundi ang kabutihang loob ng Diyos.
Sa pananaw ng mundo kapag may malaking kapangyarihan ay malaki at marami rin ang pribilehiyo; parang nagbibigay ito ng lisensiya para magkamal o magpasasa sa maraming bagay. Ganoon ang kalakaran ng mundo. Naalala ko minsan noong batang pari pa ako may nagbiro sa nanay ko ng ganito: “E hindi na kayo maghihirap ngayon, magbibilang ka na lang ng pera.” Kahit biro ito hindi ako natuwa nang marinig ko. Sa loob-loob ko, “Ganyan ba ang tingi ninyo sa paglilingkod ang magkapera?” Ito rin ang nilinaw ni Amos nang pagbingtangan siya ni Amasias na bulaang propeta. Madiin niyang sinabi na hindi siya propeta at hindi niya hanapbuhay iyon. Malinaw sa kanya na lingkod siya ng Diyos na inutusang magsalita sa mga taga-Israel.
Ganoon ang bilin ni Hesus sa mga alagad dahil ayaw Niyang isipin nila na maraming pribilehiyo ang naghihintay sa kanila, at gusto rin naman niyang linawin sa kanila na hindi Niya sila pababayaan dahil ang Diyos mismo ang magbibigay sa lahat ng kanilang pangangailangan. At totoo nga na mas marami ang tumanggap sa kanila kaysa hindi, pinakain at pinatuloy sila ng mga tao. Hindi talaga pababayaan ng Diyos ang mga lingkod Niya na marunong magtiwala sa sa Kanya.
Lahat tayo ay inaatasan ng Panginoon sa iba’t ibang paraan- bilang pari, may pamilya, linkod simbahan o sa pamahalaan man. Ang mga katayuan natin sa buhay ngayon ay may kasama ring responsibilidad at mga hamon. Sana hindi lang pribilehiyo ang isipin natin. Kapag pinaghusay natin ang ating mga gawain ang Diyos rin mismo ang magpapala sa atin. Pakatandaan natin na hindi nagpapabaya ang Diyos sa Kanyang mga tinatawag.
Ngayong malapit na naman ang eleksiyon marami naman tayong maririnig na gustong maglingkod. Salamat kung talagang paglilingkod nga ang hangad. Marami naman talagang malinis ang intensiyon pero hindi naman din maikakaila na mayroong din pansariling interest lang ang habol- ang tingin sa posisyon ay hanapbuhay at hindi serbisyo sa mga tao! Madali namang alamin kung sino sila- sila ang mga kapit-tuko na sa posiyon dahil nasarapan na sa mga pribilehiyo, at nalasing na sa kapangyarihan.
Ayaw ni Hesus na masarapan sa pribilelehiyo at malasing sa kapangyarihan ang mga alagad kaya ganoon ang bilin Niya sa kanila, at ayaw din Niyang mangyari ito sa atin. Nais Niya ang asikasuhin natin ay paglilingkod nang may kapakumbabaan at pagtitiwala sa kabutihang loob ng Diyos. Serbisyo at malasakit ang mahalaga at hindi pribilehiyo at kapangyarihan.